Lunes, Hunyo 1, 2020

Maraming Salamat!

Maraming salamat sa nagpadala ng huling sanaysay. Sa mga nagbabalak humabol, maaari pa naman. Mananatili pa naman dito ang lahat ng materyales na aking ipinaskil kung kaya't maaari pang makinabang sa mga ito ayon sa sarili ninyong panahon.

Ingat palagi at kung kailangan ninyo ng tulong sa pagtawid patungong Philo12 o Philo13, narito lang ako nag-aabang sa inyong email.

Ang inyong lingkod,
PJ Strebel

Huwebes, Mayo 7, 2020

Paglalagom ng Kurso

Bukas ang opiysal na wakas ng ating semestre. Magbibigay lang ako dito ng ilang mga gabay upang masagot ang tanong na: "Ano ang nangyari sa Philo 11 (Ang Kalagayang Makatao) o sa Ph 102 (Pilosopiya ng Tao II)?

Ang perspektibang kinuha ko sa pagbuo ng kurso ay mula sa paglalarawan ni Aristoteles tungkol sa tao. Kung narinig na ninyo ang katumbas sa Ingles ng animal rationale sa Latin, galing iyan kay Aristoteles. Pero dito agad pipigilan ko na kayo sa anumang paliwanag dito batay sa Ingles o Latin dahil hindi makukuha ng mga salin na ito ang tunay na punto ng mga salita ni Aristoteles. Kailangan nating bumalik sa wika ni Aristoteles: ang wikang Griyego.

Ang Griyegong salita ni Aristoteles ay zoon logon (ζῷον λόγον). Ang unang salita ay galing sa zoe: buhay at ang pangalawang salita ay galing sa logos. Samakatwid ang tao, para kay Aristoteles, ay isang nilalang (zoe) na ipinagkaloob ng logos. Maraming posibleng kahulugan ang logos ayon sa gamit ng salita ngunit maari tayong tumutok sa dalawang importanteng gamit: logos bilang katuwiran at logos bilang salita.

Dadalhin tayo nito sa kamulatan na para kay Aristoteles, ang tao ang nilalang na ipinagkaloob ng katuwiran at wika. Kung gagamitin natin bilang bungang isip ito, makikita natin kung paanong sinasaklaw nito ang maraming mga  punto de bista tungkol sa tao. At dahil nga nasa akademikong konteksto tayo, baka mamulat tayong ito ang dahilan kung bakit ang tradisyunal na pamantasan ay tumututok sa scientia at ars: agham at sining.

Nagsimula ang kurso sa paglalarawan at pagsisikap maunawaan kung paano tayo namumulat sa daigdig. Nasa meron na tayo, noon pa, bago pa tayo mamulat. At nagpapakita sa atin ang meron sa samu't saring mga pamamaraan, na siya namang nagbubukas sa samu't saring mga larangan. Kaya't naging pagbabad sa sining at panitikan ang naging unang kilos ng ating kurso.

Matapos nito, bumaling tayo sa agham (ang isa sa dalawang kahulugan ng logos: katwiran) bilang isang partikular na gawain ng tao na siyang pumupukaw sa kanyang katuwiran upang maipaliwanag niya sa kanyang sarili sa pamamagitan ng mga sistema't abstraksyo ng matematika at metodo ang samu't saring mga nagpapakita sa kanya sa pisikal at materyal na daigdig.

At sa huli, nagwakas ang kurso sa talakayan tungkol sa wika (batay pa rin sa isa pang kahulugan ng logos: salita) bilang potensyal. Nagsasalita ka na mula noon pa at ito ang iyong ugnayan sa nakaraan. Sapagkat ang wikang binibigkas mo ay napulot mo mula sa mga nakatatanda sa iyo na nakuha naman nila sa mga ninuno mo. Maaari nating danasin lalo ang wika upang magising pa natin ang potensyal na hindi pa nagawa ng mga nauna sa atin. At baka pati ang pagmumulat natin sa meron bilang binibigkas ay nakikita mo rin ngayong nakikipagtalaban sa abot tanaw ng wika: malalim, malawak, mahiwaga.

Kung napansin mong ikaw ay nagulat, namulat, at nagising, maaari kong angkinin tulad ni Padre Ferriols at Modesto de Castro na ang pagod at puyat ko ay naibayuhan. Kung hindi man nangyari ito, akin ang pagkukulang.

Kung nariyan ka pa at naghahanap ka ng pantapos sa kurso nating wawakasin na nga natin, inaanyayahan kitang magsulat ng huling sanaysay: payak at maikli lamang tulad ng unang sanaysay na iyong isinulat sa simula ng kurso noong Enero. O kung maari, balikan mo ang sanaysay na iyon. Pero ngayon naman isulat mo mula sa abot tanaw ng katapusan ng kurso. Harapin mo muli ngayon ang mga tanong na pinag-ikutan naman ng buong kurso: Ano ang tao? Bakit ang tao? at ikaw naman bilang isa ring zoon logon,  paano nagpakita sa iyo ang meron sa larangan o disiplinang pinili mo?

Ipadala lang sa akin ang maikling sanaysay (isang pahina lamang) na ito sa aking email. hindi kailangang magmadali. Maaring magpadala hanggang sa katapusan ng Mayo.

Muli, ang gawaing ito ay opsyonal at boluntaryo. Hindi kailangang magpasa ngunit kung magpapasa ka, lubos ko itong ikalulugod bilang gurong nakibahagi sa iyong buhay-estudyante.

Maraming maraming salamat at hanggang sa muli... ako ang inyong lingkod.

Miyerkules, Mayo 6, 2020

Huling komentaryo sa teksto

Inilagay ko na sa blog na ito ang buong huling yugto ng Pambungad sa Metapisika alang-alang sa ilan sa inyo na hindi nakapag-uwi ng kanilang kopya ng aklat kung saan man kayo inabot ng ECQ. Ginagamit natin ngayon ang sanaysay na ito upang magbigay ng buod o pagwawakas ang ating kursong matagal nang nagwakas dahil sa sakuna ngunit ikinasasalamat kong itinutuloy pa rin ng kahit iilan sa inyo. Kung hanggang ngayon ay sinisikap mo pa ring habulin ang karunungan, bagay na sa iyo ang pangalang pilosopo.

Kung hindi pa kayo nagsasawa o nagnanais pa ng komentaryo o talakayan sa teksto, ibabaling ko na lamang ang inyong pagnanais sa isang papel na lumabas sa journal na Kritike noong 2018. Heto ang link:

https://www.kritike.org/journal/issue_22/strebel_june2018.pdf

Bukas: Huling sulatin at pagbubuod/paglalagom ng kurso.

Ang huling yugto ng Pambungad sa Metapisika

SINAUNA BILANG POTENSYAL
ni Roque J. Ferriols, S.J.


Simula sa isang pagtataka

Nagkataon na nasa tuktok kami ng bundok, sa isang bahay dasalan. Mga kasama ko'y gumaganap ng banal na pagsasanay bilang paghahanda sa ordenasyon sa pagkapari. Nagkataon na bumangon ang malakas na bagyo. Pusod ng bagyo ay huminto sa hindi kalayuan sa amin. Huminto ang pusod; hindi ang malalakas na hangin na iniikot ng pusod. Dalawang araw, dalawang gabi. Mga puno at bahay nalulunod, naaanod sa hangin. Nagtataka kami kung kami'y magigiba.

Isa sa pinag-usapan namin ay pamimilosopiya. Noong nag-aaral ng pilosopiya ang aking mga kasama, kasama sa kanilang babasahin ang ilan sa aking mga sinulat. Nagtataka sila kung may lalabas na pilosopikong pagtalakay sa ilang mga atitud na mapagmamasdan sa kalinangang Pilipino; mga atitud, na kung tutuusin mo, ay pilosopiko at karapat-dapat pagmunihan, palalimin sa isang pilosopikong pag-uunawa. Halus hiniling nila na gumawa ako ng ganoong pagtalakay.

Pagtataka sa maraming nibel ang ginigising ng kanilang mga sinabi, at nakita ko na kailangan kong isipin ito ng totohanan. Kaya't sinabi ko sa kanila: iisip-isipin ko, at anoman ang matagpuan ko ay aking ibabahagi sa inyo sa huling yugto ng isang libro na matagal ko nang sinusulat at hindi pa matapus-tapus.

Ngayon nakarating na ako sa huling yugtong ito at ang inaalok ko ay hindi isang pilosopikong pagsusuri, kundi ilang mga ligaw na puna at isang mungkahi ukol sa potensyal. Kung may interes pa kayo, mga kapuwa, at kung binabasa ninyo ito, heto ang ipinangako ko sa inyo.


Pagpili sa wikang gagamitin

Madalas may nagtatanong: Mag-iimbento ka ba ng pilosopiyang Pilipino? O kaya: Maari bang magkaroon ng pilosopiyang Pilipino? Ang mga tanong na iyan ay pag-aksaya lamang ng panahon. Kung talagang nais ng isang taong mamilosopiya, ang hinahanap niya ay ang totoo na nagpapakita sa kanya. At gagamitin niya ang anumang makakatulong sa paghanap sa totoo. Kung ang pinag-aabalahan niya'y Pilipino ba ako? o Intsik? o Indian? o kung ano? hindi na siya mamimilospiya. Lalabas siyang gaya ng taong tingin ng tingin sa salaming sa walang katapusang pagka-bagabag na baka hindi siya mukhang Pinoy.

Bukal sa lahat ng tao ang hanapin ang katotohanan, at lahat ng wika ay likha ng tao. Kaya't taglay ng bawat wika ang kapaitan at pananabik ng paghabol sa katotohanan: paghabol na ginanap ng mga unang naghubog at ng mga sunod na gumamit sa wikang iyon. Kaya't lahat ng wika ay maaring gamitin sa paghanap sa totoo kung may kalooban ang gumagamit. At kung ayon sa totoo ang kanyang paggamit.

Madalas akong pagpunahan na kung katotohanan ang hinahanap mo, hindi importante kung anong wika ang gagamitin mo sa iyong pamimilosopiya. Iyan ay isang delikadong puna. Kung may tao sa aklatan, at sinusubukan niyang mamilosopiya sa isang wika na ibang di hamak sa sinasalita ng mga nagmamaneho ng dyipni, nagwawalis-tingting sa mga kalsada, nagsisilbi sa mga turo-turo, masasabi kaya na ang taong iyon ay gumagalaw sa katotohanan? Sapagkat hindi maipagkakaila na, angkinin man ng tao o sadyang limutin, palaging mananatiling totoo na lahat ng tao, pati ang mga namimilosopiya, ay napapaligiran ng mga kapuwa tao na nagsasalita. At kapag nagsisikap mamilosopiya ay pumipili sa wikang gagamitin niya, ang kanyang pagpili ay bunga ng kanyang atitud sa salita ng mga pumapaligid sa kanya. At ang kanyang atitud ay maaring katotohanan, maaring kasinungalingan.


Kakayahang tumingin

Kung ugali ng taong gamitin ang ngala't konsepto bilang bungang isip, mararanasan niya na ang bawat wika ay may kakayahang turuan siyang tumingin. Mararanasan din niya na ang bawat wika ay may kakayahang yumaman. Para bagang natututo pati ang wika. At lumalago ang kakayahan ng wikang magbigay ng udyok tumingin, kapag ang gumagamit ay sabik maturuan at maudyukan tumingin. Matutuklasan rin niya na maaring bastusin ang isang wika, at ang kakayahan ng wikang magturo ay hihina at maglalaho. Pero may malalim na buhay ang bawat wika, at maaring gisingin ito kung maliksi at alisto ang gumagamit. Kaya't ang paggamit ng isang wika, sa anomang wika, ay pakikisalamuha sa mga gumamit at gumagamit sa wika, pagkilatis sa kayamanang iniiwan nila sa wika, pagtanggap, pang-ingat, pagsisid sa kalaliman, pagtampisaw sa kababawan. . . at tuluyang pagpapatubo sa wika. Sapagkat ang matinong pag-ibig sa wika ay sanhi ng matinding pagmemeron para sa mga gumagamit at para sa kanilang kasalamuha.


Kuwentuhan

Nangyari na hindi kami magkasundo ng isang kaibigan. Nag-initan kami. Hindi ko na maalala kung bakit. Sa isang sandali, ika niya, "Mabigat na sabihin ito sa iyo. Ayaw ko sanang sabihin at may utang ako sa iyo, pero sasabihin ko pa rin."

"Anong utang ito? Wala kang utang sa akin."

"Ikaw talaga. Kung makarinig ka ng `utang' wala kang maisip kundi kwarta. Hindi utang na kwarta ang sinasabi ko. Utang na loob! Hindi mo ba alam?"

Nagsasalita kami ng Iloko, kaya't ang talagang sinabi niya ay "utang ng mabuting kalooban".

Noong nag-aaral pa ako sa seminaryo, nagkataon na lumalangoy kami sa isang ilog na malakas ang agos sa gitna. Natangay ako ng agos at, paglingon ko, napuna ko na hinahabol ako ni X. Malakas siya at mabilis. Umabay siya sa akin. Sabi niya, "Magrelaks ka lang. Paglapit ko ilagay mo ang iyong dalawang kamay sa aking balikat. Wala kang ibang gagawin." Sinundan ko ang sinabi niya, at sa ilang saglit nasa tabing ilog na kami.

Sa daloy ng panahon nagtapos kami sa seminaryo at may mga hindi kanais-nais na ginawa si X. Madalas siyang pintasan kapag nagkukuwentuhan ang mga nakakakilalala sa kanya. Sa loob ko alam kong totoo ang kanilang mga ipinipintas sa kanya, pero hindi ako nakikisali sa istoryahan. At kung may pagkakataon ay ikinekwento ko kung papaano niya akong inahon sa mabilis na agos ng ilog noong araw pa. Utang ko sa kanya na ingatan ang alaala ng kanyang kabutihan.

Tingnan natin ang isang bersyon Iloko ng Mga Gawa. Naaalala mo iyong sundalo na gwardia ng mga presong Kristiano. Nagkaroon ng lindol sa gabi. Nabuksan ang pinto ng bilangguan at natanggal ang tanikala ng mga preso. Akala ng gwardiang nakatakas na ang lahat ng kanyang sakop at sa kanyang takot magpapakamatay na lamang siya. Nang makita ito ni Pablo, "Huwag mong sasaktanin ang iyong katawan!" sigaw niya, "Nandidito kaming lahat." Naghanap ng sulo iyong gwardia at patakbong pumasok sa kanila't lumuhod na nanginginig sa takot sa paanan nina Pablo at Silas. Saka inilabas niya sila at winika, "Mga Ginoo, ano ang utang kong gawin upang ako'y maligtas?"*

Natatanaw yata ng mga sinaunang humubog sa ating mga sari-saring wika, na ang abot tanaw ng totoo ay tigib sa ugnayan. Ugnayan ng pangyayari sa pangyayari, ng angkan sa angkan, ng kalooban sa kalooban. Naunawaan nila na bukal sa mismong pagka-sarili ng bawat tao, na magkaroon, tumanggap, lumikha ng ugnayang ito. Tinatanaw nilang sagrado ang ugnayan. Mula sa ugnayang ito lumitaw ang salitang "utang". Utang ng taong manatiling tapat sa tunay na pakikipagkapuwa sa kinapal, pakikipagkapuwa sa Maykapal. Alam nila na may tunay at mapaglikhang pagtupad sa ugnayan, at meron namang huwad at nakakawasak na pagpanggap tupdin.

Palaging nagtutulungan sina Juan at Pedro. Ani Juan, Meron siyang utang na loob kay Pedro. Sabi ni Pedro, Meron siyang utang na loob kay Juan. Walang nakakaalala kung sino ang unang nagtulong kanino at walang nag-aabalang makaalaala. Isang dangal ang magkaroon ng utang na loob sa isang kaibigan. Hindi binabayaran, tinatanaw ang utang na loob. Tanawin. Ingatan. Alagaan. Bigyang halaga. Ibigin.

Nagsusustituto ako sa kura paroko sa isang bayang bulubundukin. Mga ilog na nakabaon sa pag-itan ng matataas na pampang. Matatarik na gilid ng bundok. Dudulas-dulas sa putik iyong dyip. Dumidikit sa iyong pilik-mata ang pinong pinong patak ng ulan.

"Ilang linggo ka ba dito?"

"Tatlo"

"Mag-ingles tayo. O kaya managalog. Magpapraktis kami para sa Maynila."

"Huwag na. Sa eskwela ang ingles. At pagdating mo sa Maynila, tatlong linggo lamang at magaling ka nang managalog. Magbisaya tayo."

"Hindi ka magaling."

"Tatlong linggo lamang at magaling na ako." Kaya't nagbisaya kami.

Tatlong linggo at oras nang magpaalam. Nagprograma kami. Nagkanta ng ingles iyong isa, at napansin ko na may pagkukulang sa salita at sa bigkas. At natauhan ako. Kung tatlong linggo sana kaming nag-iingles o nananagalog, palagi ko sanang winawasto ang kanilang salita at bigkas. Ang yabang yabang ko na sana. Baka pa iniisip ko na ngayon: ako lamang ang edukado, at taga-bundok silang lahat.

Kakaiba ang talagang nangyari. Tatlong linggo nilang winawasto ang aking salita at bigkas, pero hindi sila yumayabang. Mapasensiya sila. Tatlong linggo nilang ibinabahagi sa akin ang kanilang wika: isang espesyal na uri ng pagtingin, ng pakikiramdam, ng karunungan. Ibinibahagi nila ang isang buong sibilisasyon. Sa boses, sa galaw ng kamay, sa kilos ng katawan, tinuturuan akong magsalita. Sapagkat ang nag-aaral ng bagong wika ay parang batang nagsisimulang magsalita. At kung siya'y matanda na, muli siyang natututong matuto. Sa oras ng pagpapaalam nadama kong nagpapaalam ako sa aking mga guro. At noong inikot ng aking tingin ang mga bundok na pumapaligid, nagalak ako na kay yaman ng mga bundok.

Sabi ng isa, "Salamat sa iyong pakikibagay sa amin." Pakikibagay. Malalim na salita iyan sa bisaya. Pakig-angay. Salitang nagmumula sa ugnayan. Loob sa loob, puso sa puso, tao sa tao.


Huwaran

Tinatawag sa ating pansin ni de Finance, na nararanasan natin ang abot-tanaw ng meron bilang totalidad ng meron na iba iba ang tindi sa di masukat na kalawakan.** At sapagkat napakayaman nito, ang bawat kalinangan ay gumagamit ng iba't ibang huwaran sa kanilang pagsisikap na mabuhay sa isang diwang matino at malusog sa gitna ng nakaka-bulagang kayamanan na ito. Halimbawa, ginigiit ni Heidegger na ang huwaran ng kanluran ay ang huwaran ng mga sinaunang griyego. Mababakasan sa kanilang wika na ang dating ng meron sa kanila ay physis, ang sanlibutan bilang sangtumutubo.***

Ang mundong meron ay tumutubo. At katangian ng tumutubo na magtago at magpakita. Kaya't ang totoo ay ang meron na inakit magpakita, at nakita.

Ang huwaran ng ating kalinangan ay tao bilang malalim, sagrado, mapaglikha at nakikipagkapuwa sa kapuwa tao at sa Maykapal. Kaya't ang dating sa atin ng meron ay ugnayan. Ang sanglibutan bilang personal na pagbuklod ng tao sa tao, ang sanglibutan bilang personal na pakikisalamuha sa atin ng Maykapal. Kaya't ang totoo ay tao na tapat sa tao, tapat sa ugnayan at sa pakikipagbuklod.

Mababakasan ang paggalang sa kalaliman ng tao, sa iba't ibang paraan, sa kayamanan ng ating sari-saring wika. "Loob," anila sa Pilipino; "Kabubut-on," sa Sebuano; "Nakem," naman sa Iloko. Tiyak ako na may katumbas ito sa lahat ng ating mga wika; bakas ng pagkagulat ng mga sinauna sa kalaliman at hiwaga ng bawat tao. May buong daigdig ang loob. Masiraan ng loob. Palakasin ang loob. Kalamayin ang loob. Buoin ang loob.

Baka makasisiyang ulitin ang isang parapong galing sa ika-anim na yugto: Sapagkat ang tao ay hindi lamang ito kundi meron-ito, sarili, ako. . . nararanasan natin na may kalooban. Maaring masiraan ng loob, buoin ang loob, gumalaw sa kagandahang loob, maging masamang loob, magbalik loob. Kayang magbayad ng utang na kwarta (pisika at kimika). Kayang alagaan, pairalin, gawing mapaglikha. . . sa madali't sabi. . . tanawin ang utang na loob.

At sapagkat malalim ang hiwaga ng tao, malalim rin ang kanyang pakikipagbuklod. Tingnan ang katagang "kapuwa" na palaging ginagamit. Kapuwa kitang naghihintay sa dentista. Kapuwa tayong nag-aantabay na bumerde ang ilaw sa trapik. Sa ulan ay kapuwa kitang nakikisilong. At ang "ka" na tanda ng pakikipagkapuwa sa kapatid, kabayan, kaibigan, kasintahan, katoto, kasama, kababata, katrabaho, kainuman, kaaway. . .

Mababakasan iyang lahat, at higit pa riyan sa ating samo't saring wika. At lahat niyan ay potensyal. Maari nating buhayin, likhain muli. Maari nating gawing bahagi ng mga hindi inaakalang kombinasyon. Halimbawa, baka magawa natin ang hindi pa nagagawa: Maglikha ng kalinangan na personal at makatao, at sabay teknikal. Teknolohiya dahil sa tao; at huwag baliktad.

Pero sa buhay pang-araw-araw ngayon ay madalas ituring na makaluma at katawa-tawa ang mga katagang gaya ng "loob," "pakikipagkapuwa," at iba pa. At ang metodo ng maraming manunuri ay iuwi ang kalinangan sa makikisig na konseptong univocum at iuwi sa mga kasong matatalakay sa metodo ng pagsukat. Ang potensyal, paglipad, paglikha, ang hindi inaakala ay nawawala.


Mungkahi ukol sa potensyal

Sa panahon na gagala-gala sa kadiliman ang mga kalinangan, mabuting alalahanin ang kasabihang Intsik, "Lalong mabuting magsindi ng isang kandila kaysa sumpain ang dilim."

Ito ang aking kandila: Magpakaalisto sa buhay pang-araw-araw sa potensyal ng kalooban at ugnayan; buhayin ito, ulitin at sariwain. Mag-imbento ng bagong istilo, ayon sa intrinsikong analogia, ng pananatiling tapat sa halaga at sa hiwaga ng kalooban at ugnayan. Sapagkat bahagi tayo ng sangkatauhan. At ang malubhang pangangailangan ng buong sangkatauhan ay gawin ang hindi pa nagagawa: Maglikha ng kalinangan na personal at makatao, sabay teknikal. Teknolohiya dahil sa tao; at huwag baliktad.


Sa Huli

At sa katapusan matatapus na rin ang librong hindi matapus-tapus. Sinusulat ang mga talatang ito sa isang bahay sa isang baranggay na ang salita ay Iloko. Dito ko isinimula ang librong ito noong 1979. Ngayon ang huling araw ng 1990. Sa loob ng labing isang taon isinulat ko ito ng pasingit-singit sa mga puwang na mabagsik na pangangailangan. Ang malaking bahagi ng libro ay dito ko rin isinulat. Sa bolpen at papel muna. Nasa Maynila ang kompyuter.

Maraming salamat sa mababait na kaibigang nakatira dito. May katahimikan dito. Mayayapakan mo ang lupa at mararamdaman mo ang sinaunang bisa ng planeta. Matitingala mo ang langit at mararamdaman mo ang bagsak ng enerhya mula sa buong sansinukob.

Napapaligiran kami ng palayan. Matagal nang natapos ang paggapas. Nabilang na ang ani. Lumalapit na ang hating gabi at nagsisimula nang magputukan ang mga babati sa bagong taon. Maliwanag ang buwan at maaaninagan mo ang mga dahon ng monggo at mais na nakatanim ngayon sa kabukiran. Ngunit aangkinin ko pa rin ang ilang talatang isinulat ng isang kapuwa pari, meron nang higit sa isang daang taon:

"Ang uiuicain co,i, pinapalad aco, at ang cahalimbaua co,i, nagsabog nang binhi, ay ang tinamaan co ay mabuting lupa. At sa quinacamtang cong toua ang nacacaparis co,i, isang magsasacang cumita nang alio, uupo sa isang pilapil, nanood nang caniyan halaman, at sa caniyang palayan na parang inaalon sa hirap nang hangin, at sa bungang hinog na anaqui butil na guintong nagbitin sa uhay, ay cumita ng saya.

"Munti ang pagod co, munti ang puyat co; at palibhasa,i, capus na sa lacas na sucat pagcunan, nguni ang paquinabang co sa pagod at puyat ay na ibayuhan."****

At ikaw, mambabasa, naririyan ka pa ba? Sa iyo rin, salamat.

Baranggay Bactad Proper
Urdaneta, Pangasinan
31 Disyembre 1990



Mga Talababa

* Ti Baro nga Testamento, inyallatiw iti sao't Iluko ni Rev. Mariano Pacis, Maynila: St Paul Publications, p. 388. Ang copyright ay 1959. Ang bersong sinipi ay Aramid (Mga Gawa), 16, 30.

** Joseph de Finance, S.J. Isang pilosopo na maraming libro ang sinulat. Pero ang tinutukoy ko rito ay galing sa ilang mga nota sa ontolohiya na nabasa ko noong araw sa microfilm. Balita ko na iyong mga notang iyon ay unang balangkas pala para sa isang libro.

*** Martin Heidegger, Einfuhrung in die Metaphysik. (Pag-akay Tungo sa Metapisika). Max Niemeyer Verlag, 1953. Tingnan lalo na ang ikaapat na kabanata.

**** Modesto de Castro, Urbana at Felisa, Maynila, J. Martinez; 1902 p. 8. Sa "Paunaua sa Babasa" binabanggit ang petsang "2 de Mayo, 1854".

Martes, Mayo 5, 2020

Ang lambat at ang relos

Wakasin natin ngayon ang ating pagmumuni sa agham sa tulong ng dalawang talinhagang galing kay Padre Ferriols na siya namang naglalarawan ng kaugnayan ng agham at meron.

Ang lambat.
Naalala pa ninyo kung paanong naging talinhaga na ng sistema ang lambat? Dahil nga sistema din ang agham, nababagay din dito ang nasabing talinhaga. Balikan ang sinabi sa teksto: pagmasdan kapag pinatong mo ang lambat sa lupa. Maari mong masabing tinatakpan ng lambat ang buong lupa. Bagaman totoo ito, maari ding sabihing hindi rin natatakpan ng buo ang lupa dahil nga butas-butas ang lambat. At ngayon naman ililipat ko ang lambat sa dagat. Kapag nagtapon ng lambat ang mangingisda, sapat ang mga butas ng lambat para sa dalawang dahilan: Una, para mahuli ang isda, at pangalawa, upang lumusot ang tubig at hindi dumagdag sa bigat ng nahuli. Katwang sabihin ngunit totoo: walang intensyon ang mangingisda na hulihin ang dagat. Ang butas ng lambat ay parang kilos-abstrakstyo at ang dagat naman ay ang meron. May kinukuha at iniiwan ang abstraksyo. Maari mo rin ituloy ang paghahambing ng gawain ng mangingisda sa gawain ng siyentista sa laboratoryo. Ang mangingisda, kapag nakahuli ng ibang laman-dagat na hindi niya balak hulihin, ibabalik niya ito sa dagat. Ang siyentistang pinapakitaan ng kung anu-ano ng meron sa loob ng laboratoryo ay titingin lamang sa kung ano ang may kinalaman sa kanyang hinahanap.

Ang relos
Ginamit na natin ang relos bilang talinhaga ng daigdig ayon kay Newton. Si Einstein ay may ibang gamit sa talinhagang ito. Sabi niya, isipin mo ang isang nakasarang relos. Hindi mo nakikita ang mga makina sa loob nito at wala kang paraang tuwirang malaman kung paano gumagalaw ang mga makina nito (May maniniwala ba kung sasabihin nating may maliit na tao sa loob na siya namang nag-iikot ng mga kamay ng relos?). Kung gusto mong malaman, kailangan mong distronkahin, wasakin ang relos. Kumuha ka ng maso at hambalusin mo hanggang lumabas ang mga nilalaman nito.
Pambihira ba ang paghahambing? Hindi naman. Isipin mo ang nangyayari sa loob ng mga cyclotron: mga makinang nagpapatakbo ng mga electron at iba pang atomiko at sub-atomikong mga butil. Mula sa pagbabanggan ng mga butil na ito, hinahanap ng mga siyentista ang mga lalabas na boson, quark, atbp. Isipin mo ang pagsasanay ng mga nag-aaral ng medisina. Kailangan nilang maghiwa ng mga bangkay upang pag-aralan ang mga laman-loob ng tao. Iba ang bangkay sa taong buhay ngunit matinong hula ng medisina ang pagtitiwala na matututo ang manggagamot na gumamot sa buhay na katawan kung pinag-aralan niya ang mga bangkay.

Matagal nang napalitan ang mga sistema ni Ptolemaios at Kopernik ng mga mas mahuhusay na sistema. Nasabi na ba ng teorya ng dambuhalang bang ang lahat? Pati iyan ay maaaring mapalitan sa hinaharap ng ibang sistemang mas uubra. Hindi nararating ng agham ang replika ng meron. Palaging may pagitang hindi natatawid, gaano man kaliit nito.

At sa huli
May mga tanong na bahagi ng agham at may mga tanong na nasa labas ng agham.
Ang tanong ng "totoo ba?" ay labas sa hangganan ng agham. Kaya nasa labas ng agham ang tanong kung meron bang Diyos. At kung may siyentistang magsasabi na habang namumulat siya sa mga ipinapakita sa kanya ng agham ay lalo siyang napapaniwala na merong Diyos, sinasabi niya na ito hindi bilang siyentista, ngunit bilang isang taong namimilosopiya at naghahanap ng kahulugan. At kung sa bagay, ganoon din ang katayuan ng siyentistang magsasabing malinaw sa kanya na walang Diyos dahil sa agham.
Gayundin, nasa labas din ng agham ang mga tanong ukol sa etika at moralidad. Hindi lahat ng umuubra ay nararapat. Ang bawat teknolohiya ay may pakinabang at panganib kung kaya't kailangan pa rin ng maingat na pagsusuri. Isipin halimbawa ang mga hacker sa mga sistema ng kompyuter. Hindi porket uubrang makuha mo ang pera ng iba, isa na itong nararapat na gawain. At sa panahon ngayon ng pandemiya, hindi ba tayo dapat magsisi na ang perang ginugol sa pag-imbento ng mas mahuhusay na armas ay ginamit na lang sana sa pagpundar ng mas malusog at makatarungang lipunan?

Sa paskil na ito, hindi ako magwawakas sa mga gabay na katanungan upang maaaring kumuha ng kahit anong direksyon ang inyong susunod na talaarawan. Kaya mag-email na kayo sa akin. Maglalaan na tayo ng pagkakataon sa kahit anong paksa o tanong tungkol sa agham at pagpapakatao atbp.

Bukas: Sinauna Bilang Potensyal
Sa makalawa: Huling sanaysay, at pagbubuod at paglalagom ng kurso.

Biyernes, Mayo 1, 2020

Replika ba ng meron ang agham?

Magandang hapon mga katoto. Mayo na at malapit nang matapos ang ating semestre. May ilan  na lamang akong maiikling mga paskil para sa inyo sa mga darating na araw.

Ang tanong natin ngayon ay kung replika ba ng meron ang agham. Tandaan na ginagamit ni Padre Ferriols ang katagang "replika" sa kahulugang: Isang larawan na kumpleto sa lahat at bawat detalye; tumbas na tumbas sa bagay na nilalarawan; bahagi sa bahagi, sukat sa sukat, galaw sa galaw.

Kung matalas ninyong sinusundan ang talakayan, baka napansin niyo na ang tanong na ito ay hawig sa naunang tanong ukol sa pagtumbas ng matematika sa meron: isa sa isa at galaw sa galaw.

Kaya't kung palaging may paghihiwalay sa meron na nangyayari sa bawa't pagbilang at pagsukat, hawig din dito ang masasabi tungkol sa agham. Hindi replika ng meron ang agham.

Upang lalong maunawaan ang mahalagang puntong iyan, daanan muna natin ang dalawang dahilan kung bakit may mga nag-akala na replika ng meron ang agham.

1. Si Galileo at ang matematika. Tingnan ang sipi sa teksto natin mula kay Galileo kung saan naniwala si Galileo na wika ng kalikasan ang matematika. Sa kanyang paghanga sa galing ng matematika sa pagsukat at pagbilang sa kalikasan, inakala na niya na nahuhuli na nito ang kalikasan sa paraang tumbas na tumbas. Mapagbibigyan ang pananaw na ito sa panahon ni Galileo kung kailan bagu-bago pa lamang ang modernong agham madaling mabighani sa galing nito sa paghuli sa ilang mga pangyayari sa kalikasan.

2. Ang relos ni Newton. Kung idudugtong muna natin ang lugar ni Newton sa kwento natin tungkol sa astronomiya, mahalaga ang kanyang ambag dahil naipakita niya na magagamit mo ang iisang pormula upang ipaliwanag ang pagkilos ng kahit anong katawang kumikilos, maging ito man ang planetang Mars o kung ito man ay isang mansanas na nahuhulog mula sa puno.


Nagbigay si Newton ng modelo ng sanlibutan na hawig sa tumatakbong relos. Bawat planeta o buwan ay may sinusundang galaw tulad ng bawat bahagi ng isang mekanikal na relos. Kung alam mo ang takbo ng makina, alam mo ang bawat mangyayari dito. Base sa mga pangkalahatang batas, naibibigay ng agham ang paliwanag para sa lahat ng nangyayari sa kalikasan. Mapagbibigyan ang ganitong pananaw kung kumbinsido tayo na ang pag-ubra ng mga sistema ay tunay na larawan ng meron. Hindi nga ba't iba ang umuubra sa talagang totoo at meron?

Upang lalong ipakita ang pagkukulang ng dalawang mga pananaw na ito, nagbigay ng dalawang pagsusuri si Padre Ferriols tungkol sa relasyon ng agham sa meron kung kaya't hindi talaga replika ng meron ang agham.

1. Suhetibong aspekto: tao ang nag-aagham. Dahil tila baga tungkol sa kahinaan ng tao ang pinuna ni Padre Ferriols sa teksto, magdaragdag ako ng naiibang halimbawa. Balikan natin si Ptolemaios. Hindi nga ba't ipinagpalagay niya na hugis bola ang mga landas ng mga planeta? Paano niya nalaman o nasabi iyon bagaman wala namang naka-oobserba ng mga guhit na dinadaanan ng mga planeta? Sinapantaha niya ito; ipinagpalagay niya ito mula sa kanyang mga pag-aakala bilang taong nabuhay noong unang dantaon na nasa ilalalim ng impluwensya ng kulturang Griyego. Hindi ibinigay ng kalikasan ang detalyeng ito ng kanyang sistema. Ibinigay sa kanya ito ng kanyang kultura.

2. Obhetibong aspekto: ang pagsusukat (2.a.) at paglapat ng mga instrumento (2.b.).

2.a. Tingnan ang grap sa ibaba tungkol sa pagbaba ng polusyon sa hangin habang nagaganap ang ECQ sa Kalakhang Maynila:


Kung susuriin natin ang pagkolekta ng data na pinagbasehan ng grap na ito, ginagawa ang pagsukat sa paglipas ng bawa't oras. Inilalapat sa grap sa y-aksis ang bawat oras sa loob ng isang araw. Ayon sa patakaran ng grap, otomatik na ikinokonekta ang mga puntong ito. Ano ang sukat ng polusyon sa kada-kalahating oras? Hindi na kailangan sukatin. tingnan mo na lamang ang grap at ipagpalagay natin na doon tatama kung saan dumaan ang linyang nagkonekta sa dalawang punto. Hindi kaya ng mga patakaran ng agham na sukatin ang lahat ng pagkakataon (pati ang katagang "real time" ay isa ring abstraksyo at hindi meron). Hindi mabibilang (Latin: infinitum) ang pagkakataong magsukat ngunit pag-aaksaya ng panahon, materyales at enerhiya kung bawat sandali (at infinitum ang mga sandaling ito) ay nagsusukat ang siyentista. Bagaman may sinasabi tungkol sa meron ang grap na ito, hindi pa rin replika ng meron ang naibibigay nito.

2.b. May kakayahan at hangganan ang bawa't panukat. Gaano man karami ang guhit ng isang ruler, palaging posibleng pumagitna sa mga guhit na ito ang sinusukat.


Meron din namang mga panukat na mas matindi pa ang kakayahan kaysa sa karaniwang ruler. Halimbawa nito ang caliper:


Pero pati iyan ay may hangganan din. Maari mong ituloy ang talakayang ito sa pagdagdag pa ng mas sopistikadong panukat kaysa sa caliper at hindi matatapos ang usapang ito. Palaging may katiting na hindi masusukat na siya namang hindi na sinusukat at kinikilalang maari nang ipagpaliban. Mula dito, masasabi nating asintotiko ang relasyon ng mga panukat sa meron na sinusukat: lumalapit nang lumalapit ngunit hindi talaga lubusang nahuhuli.

Ano ang asintotiko? Ganito ang aritmetikong paliwanag: kumuha ka ng kahit anong bilang at hatiin mo sa kalahati. Sa bawat makukuha mong resulta, hatiin mo muli sa kalahati. Hindi matatapos ang prosesong ito dahil palaging may matitira, gaano man ito kaliit. O sa madaling salita, hindi ka makararating sa zero (0).

Ano ang asintotiko? Ganito ang heometrikong paliwanag: isipin mo ang isang kurbadang palapit nang palapit sa x-aksis o sa y-aksis ngunit hindi kailanman tatama sa nasabing aksis. Sa larawan sa ibaba, kulay bughaw ang mga sinasabing mga asintotikong kurba.


Tinalakay natin nang hiwalay ang suhetibo at obhetibong aspekto ng agham ngunit sa nangyayari sa loob ng laboratoryo, nagtatalaban ang dalawang ito. Isipin mo ang karanasan mo ng pagsukat ng dami ng tubig sa isang silindrong nagtapos (hehehe).


Kailangang siguraduhin ng nagbabasa na ang nibel ng mata niya ay perpendicular sa tayo ng silindro. Bukod dito, dapat nakalagay sa mesa o patungang nakanibel (o pantay) ang silindro at hindi lang basta hawak-hawak ng nagbabasa. Idagdag mo pa sa sitwasyong ito ang hangganan ng panukat at ang kahirapang makita kung saan talaga tatapat ang meniscus ng tubig (Ang salitang meniscus ay galing sa salitang Latin na ang ibig sabihin ay "parang buwan": hindi nga ba may anyo ang buwan na parang duyan?). Sa talagang nangyayari, nagtatalaban ang suhetibo at obhetibong aspekto ng agham kung kaya't hindi ito nakapaghahatid sa atin ng replika ng meron.


Mga tanong para sa talaarawan;

1. Nasanay ka rin ba mag-isip na basta't sinabi ng siyentista o ng aklat ng agham, ito ay totoo? May nagbago ba sa iyong pag-iisip tungkol dito?

2. Pagmunihan ang puntong ito: Hindi naman natin tinatanggihan o pinabubulaanan ang mga sinasabi sa atin ng agham. Inilalagay lang natin sa tamang perspektiba kung ano ang kayang sabihin ng agham at kung ano ang ipinagpapaliban nito.

3. Dahil sa talakayang ito, lalo ka bang nakukumbinsi na disiplinado ang agham o nagsisimula ka na bang magduda sa kabuluhan nito?

Linggo, Abril 26, 2020

Ang Dalawang Sistema ng Daigdig (Huling Bahagi)

Kung babalikan natin ang huling larawan ng naunang paskil, sinabi doon na tumagal ng labinlimang dantaon ang sistema ni Ptolemaios. Maraming mga nagmasid sa langit ang nakinabang sa nabuo niyang sistema at nakarating sila sa mga resultang umubra at tumumbas sa mga inaasahang mangyayari.

Bukod dito, natapos ang naunang paskil sa pagpuna kung gaano kasalimuot ng sistema ni Ptolemaios. Buti sana kung sentro at balat lang ng bola ang iisipin (para sa marami sa atin, kasama na ako, masalimuot na rin ang heometriya ng bola), ngunit naroon pa ang mga epikuklos at eksentriko na nagdagdag pa ng marami pang anggulong susukatin upang marating ang inaasahang mga resulta.

Sa pagtagal ng panahon, habang dumarami ang datang hawak ng mga astronomo, dumami nang dumami ang mga epikuklos at eksentriko na kailangang idagdag sa sistema upang ipagkasundo sa sistema ang napagmamasdan sa langit at upang mahulaan ng sistema ang magiging galaw sa langit.

Panahon lang ang kailangan upang may magsabi na naging halimaw nang may milyung-milyong galamay ang astronomiya. At mula sa karanasang ito, may maghahanap ng alternatibo. Nangyari ito sa katauhan ng isang  Polako na nagngalang Mikolaj Kopernik.


Gamit ang data ng mga nauna sa kanya, sinubukan ni Kopernik aregluhin ang parehong mga impormasyon gamit ang ibang disenyo. Bumalik din siya sa mga sinaunang Griyego upang maghanap ng gabay. Sa kanyang pananaliksik, natuklasan niya ang mga sulatin ni Aristarchos.


Salungat ang pananaw na ito sa nanaig na pananaw na siyang pinagbatayan ng sistema ni Ptolemaios. Naisip ni Kopernik kung ano ang mangyayari kung sinunod niya ang mungkahi ni Aristarchos. At natuklasan niyang may mabubuong kaayusan ang data at ang mabubuong sistema ay mas payak kaysa sa kay Ptolemaios.


Makikita sa pahina ng aklat ni Kopernik sa itaas ang araw (Sol.) at nasa pangatlong bola ang lupa (Terra)  kung saan naman umiikot ang buwan. May mga epikuklos at eksentriko pa rin ngunit hindi ganoon karami. Umuubra din ang sistema at di hamak na mas payak sa nauna.

Naniwala ba si Kopernik na ang kanyang natuklasan ay talagang larawan ng sanlibutan? Paksa pa rin ito ng debate hanggang ngayon. Ipinagpaliban kasi ni Kopernik ang paglimbag ng kanyang aklat dala ng takot na madeklara siyang erehe ng Simbahang Katolika. Ang Aleman niyang alagad na si Von Lauchen ang nagpalimbag nito sa taon ng kamatayan ni Kopernik at si Von Lauchen ang nagsulat ng prepasyong nagsabi na ito'y modelong umuubra lamang at hindi tunay na larawan ng daigdig. Mahalagang punto ito na babalikan natin sa ating pagmumuni-muni mamaya. Ituloy muna natin ang kwento.

Maari nating mapuna sa puntong ito na pinaguho ni Kopernik ang isa sa dalawang mga sapantaha ng sistema ni Ptolemaios.


Nalimbag ang aklat ni Kopernik noong 1543 ngunit hindi kaagad naging katanggap-tanggap ang kanyang kontribusyon. Hindi nagkamali sa kanyang pangamba si Kopernik dahil ipinagbawal ng Simbahang Katolika ang pagbasa ng aklat dahil labag ito sa turo (balikan ang huling dalawang larawan ng naunang paskil).

Kinailangang hintayin ng daigdig ang sandaling itutok ni Galileo sa langit ang teleskopyo upang siryosohin ang sistema ni Kopernik.


Ano ang magiging kapalaran ng pagpapalagay ni Ptolemaios na hugis bola ang mga landas ng mga planeta. Dadaan ang kwento natin sa personalidad ng isang Danes na astronomong si Tycho Brahe.


Naging masugid na tagapagmasid ng planetang Mars itong si Brahe. Ang mahalaga niyang kontribusyon sa ating kwento ay ang pag-iwan niya ng napakaraming data. Noong namatay siya noong 1601, nag-iwan siya sa kanyang kanang kamay na si Johannes Kepler ng napakaraming kwadernong naglalaman ng posisyon ng Mars sa nagdaang mga sampung (10) taon.

Sa kanyang pagpanaw, iniatas ni Kepler sa kanyang sarili ang isang hamon: ipagkasundo ang data ni Brahe sa teorya ni Kopernik.


Alam ni Kepler na metikuloso ang kanyang maestro kung kaya't hindi siya nagduda sa katumpakan ng data ni Brahe. Bukod dito, hindi niya ipinagwalang bahala ang 8 minutong hindi magkasya. Hindi niya sinabi na "pwede na iyan, walong minuto lang naman." Sa halip binalikan niya ang kanyang mga kalkulasyon hanggang sa naisip niya na baka maaari niyang baguhin ang hugis ng landas ng planeta upang magkatugma ang data at ang teorya.


Kung kinuwestyon ni Kopernik ang unang sapantaha, naisip naman niyang batikusin ang pangalawa. Sinubukan niya ang iba pang mga pigura. Wala pa ring umubra. Nanatili ang anomalya. Ngunit noong sinubukan niya ang data sa pigura ng elipse, tumumbas!


Maaring niyo itong panoorin kung nais niyo matuto kung paano magdrowing ng elipse: https://www.youtube.com/watch?v=7UD8hOs-vaI


Hawig ang elipse sa bilog. Ngunit imbes na may isang sentro, may dalawa kang focus.


Kung tinignan ninyo ang video, makikita ninyo na ang haba ng ginamit na pisi ang nagbigay depinsiyo sa elipse. Kung kukuha ka ng kahit anong punto ng elipse, lilitaw na ang pinagsamang layo nito sa dalawang focus ay katumbas din ng sa kahit anong iba pang punto nito.

Ang ginawa ni Kepler, isinakay niya ang Mars sa elipse at inilagay ang araw sa isa sa mga focus ng elipse.


Hindi lamang napagtugma ni Kepler ang teorya ni Kopernik sa data ni Brahe, tinanggal din niya ang pangangailangan sa mga epikuklos at eksentriko, at nagbigay ng mas eleganteng paliwanag kung paano umuuga, gumigiray, umuurong-sulong ang planeta.

Isipin mo na ang lupang tinutuntungan mo ay nakasakay sa isang elipse. Ang araw ay nasa isa sa dalawang focus nito. Ang Mars naman ay nakasakay sa isang mas malakig elipse sa labas ng landas ng lupa. Dahil parehong nakasakay sa elipse ang dalawang planeta, kung minsan nauuna ang Mars kaya sa punto de bista natin ito'y sumusulong, at kung minsan naman nauuna ang lupa kaya sa punto de bista natin, parang umuurong ang Mars.

Tuwiran nang nabuo ang bagong sistemang heliosentriko (araw ang sentro) sa patuloy na pagtalikod sa dalawang sapantaha ni Ptolemaios.


Balikan natin dito ang naitanong kanina tungkol kay Kopernik. Sa panahon natin ngayon, baka madali tayong makumbinsi na tama si Kopernik at mali si Ptolemaios. Pero tandaan ang pagkakaibang ibinigay na natin sa kaibahan ng tama sa totoo.

Umubra ang sistema ni Ptolemaios ng humigit 1,500 at nakapagbigay ng mga tamang sagot ayon sa mga aksyoma nito. Tulad ng palaisip na eksena ni Padre Ferriols kung saan kapiling mo sa ibabaw ng Bundok Olympos sina Ptolemaios at Kopernik at nagtanonng ka sa kanila tungkol sa posisyon ng isang planeta o kumpol ng mga bituwin, magkaiba sila ng gagawing kalkulasyon pero parehong parte ng langit sila tuturo sa kanilang mararating na sagot. Magkaibang sistema na parehong umuubra at hindi mo pwedeng gamiting pamantayan ang isa upang tasahin ang pangalawa.

Ang tanong ng "tama ba" ay palaging gumagalaw sa larangan ng sistema. Hindi ba't nasuri na natin noon na ang tanong na ito ay laging tinatanong sa loob ng mga partikular na sistema?

At kung pupunta naman tayo sa tanong na "meron ba?," Maaring may magsabi na hindi na ginagamit ang mga pagpapalagay ng mga siyentistang nabanggit sapagkat ayon sa kasalukuyang teorya ng dambuhalang bang (hehehe), wala namang sentro ang sanlibutan. Pero ang dambuhalang bang, hindi naman kayang ipaliwanag ang lahat. Pati ito ay isa ring sistemang gumagalaw sa sarili nitong aksyima upang makapagbigay ng tamang sagot o hula sa kung ano ang mangyayari.

Maari na siguro natin ibuod ang kasalukuyang talakayan:


Mga tanong para sa talaarawan:

1. Paanong naipakita dito na palaging may suhetibong aspekto ang agham: ang siyentistang nag-aagham ay taong gumagalaw sa meron at hindi mo siya maihihiwalay sa kanyang karanasan at kapanahunan. Tingnan sina Ptolemaios, Kopernik, Brahe, at Kepler.

2. Hindi tinatanong ng agham ang tanong na "totoo ba" o "meron ba." Ang mga tanong na inaatupag ng agham ay ang tanong ng "tama ba ayon sa sistema" at "umuubra ba." Sang-ayon ka ba dito? Ano ang ebidensya nito sa iba pang mga sanga ng agham bukod sa astronomiya?

3. Kung may apat na pag-aninag ng meron sa loob ng sipnayan ng matematika, may pag-aninag din ba ng meron sa loob ng masasalimuot na sistema ng agham?


Ang Dalawang Sistema ng Daigdig (Unang Bahagi)


Tuwiran na natin ngayong pag-usapan at pagmunihan ang agham at ang kaugnayan nito sa meron. Bilang gabay sa pagbabasa , ang susunod na talakayan ay batay sa mga seksyon ng ating teksto na pinamagatang Ukol sa dalawang sistema at Larawan at matematika sa panahong medioebal atbp (Ang isyu kung ang agham ay replika ng meron ay lalaktawan muna natin ngunit babalikan pagkatapos nito.). Kaya kung handa na kayo, heto na:



Sapagkat nakita na natin na ang agham ay abstraksyo mula sa meron na siya namang ginagawan ng aplikasyon sa meron, magsimula tayo ngayon sa dahilan kung bakit kailangang bumuo ng sistema ng daigdig. Hindi naman ito ginawa lamang ng mga taong walang magawa. Narito ang mga dahilan na siya namang nanggagaling sa mga tunay na pangangailangan.


Noon nang nakita ang kaugnayan ng paggalaw ng mga katawang langit sa pagbago ng panahon. Lalong mahalaga ito para sa mga Europeo dahil kailangan nila mahulaan kung gaano katagal ang taglamig at masiguradong nakapag-impok sila ng sapat na pagkain.
Ang naglalayag sa gitna ng dagat ay walang ibang magamit na mapa kundi ang mga bituwin sa langit. Ang kakayahang makilala ang pagkakalatag ng mga bituwin ay mahalaga sa paglalakbay.
Naging mahalaga ang pagsasaliksik na ito sa mga Muslim kung kanino mahalagang matukoy ang direksyon kahit sa gitna ng disyerto upang makaharap sila palagi sa Mecca tuwing mananalangin. Sa mga Kristiyano naman, ang pagtalaga ng mga pista tulad ng semana santa ay batay din sa mga kalendaryong binatay sa kilos ng araw.
Bagaman hindi na kinikilala ngayon ngunit maraming hari ng Europa ang sumangguni sa mga bituwin upang mahulaan ang mga mangyayari sa kasaysayan.

Paano ang naging itsura ng sistema? Ipinagpalagay ng mga sinaunang Griyego na tayo ang nasa gitna ng lahat at sa atin umiikot ang mga planeta. Kahit naman sa wika natin, sanlibutan ang tawag natin dito, mula sa karanasan natin sa pag-ikot sa atin ng araw at buwan. Ang kinilalang pantas na siyang nagtipon ng mga pananaliksik ay si Klaudios Ptolemaios.


Ano ang naging itsura ng sistema ni Ptolemaios? Maaaring tingnan ang larawan sa ibaba. Kung nais niyo, pwede niyo itong tawaging isang makalangit na sibuyas. Bukod sa paglagay sa lupa sa gitna ng sistema, ipinagpalagay din ni Ptolemaios na hugis-bola ang mga landas ng mga planeta. Bagaman hindi talaga nakikita ng mata ang hugis ng landas, walang tumanggi dito dahil sa kaisipang Griyego, ang bola ang pinakaganap na hugis at dahil nga mga diyos ang mga katawang langit, nararapat lamang na kumilos ang mga ito sa landas ng mga hugis bola.


Ngunit sa pagdaan ng panahon, sinikap ng mga gumamit ng sistema na ipasok sa mga aksyoma nito ang naipon nilang data sa kanilang pagmamasid. Payak sana ang pagtutumbas na ito kung ang lahat ng planeta ay katulad ng araw at buwan na tuluy-tuloy ang kilos mula silangan hanggang kanluran. Makikita sa larawang ito na sa kaso ng planetang Mars, may pagkakataon na bahagya itong umuurong nang ilang araw bago magpatuloy sa nakagawiang pagsulong. Ito ang tinawag ni Padre Ferriols na uga-giray-urong-sulong ng planeta.


Masusubaybayan sa itaas ang kilos ng planeta mula Mayo hanggang Enero ng kasunod na taon. Sa landas nito pakanluran makikitang mula 29 Hulyo hanggang 17Setyembre, aatras ito bago bumalik sa nakagawiang direksyon. Ayon sa prinsipyo ng sozein ta phainomena, kailangang hanapan nila ng lugar sa loob ng sistema ang naobserbahang kilos na ito ng planeta. Upang gawin ito, kailangan nilang magdagdag ng ilan pang mga elemento sa sistema.


Primera, nasabi nang hugis bola ang landas ng planeta. Maaari niyong isiping nakasakay sa balat ng bolang ito ang nasabing planeta. Upang maipakita ng sistema ang nakitang uga-giray-urong-sulong, isipin niyong may nakakabit na mas maliit na bolang gumagalaw sa balat ng mas malaking bola at nakasakay sa mas maliit na bolang ito ang planeta. Ganito:


Nasa gitna ang lupa at nakasakay ang planeta sa maliit na hugis bolang umiikot sa mas malaking hugis bola. Samakatwid, mula sa punto de bista ng taong nasa lupa, makikkitang bahagyang umaatras ang planeta bago ito tumuloy na umikot sa nakagawiang direksyon.

Ngunit hindi pa ito naging sapat. Upang maging tapat sa data, kinailangan ding idagdag ang eksentriko. Eksentriko ang relasyon ng isang punto sa isang bilog kung nasa loob ng bilog ang punto ngunit wala ang nasabing punto sa sentro ng bilog. Tingnan ang larawan:


May apat na bilog sa larawan at may punto. Eksentriko ang relasyon ng mga bilog sa punto dahil hindi naman sentro ng alinman sa mga bilog ang punto. Samakatwid, imbes na ilagay ang lupa sa aktwal na sentro ng mga landas na hugis bola, inilagay ito ng lihis sa sentro. Sa ganitong paraan, nagkakasundo ang data at ang sistema. Pagsamahin na natin ngayon ang dalawang elemento.


Sa larawan sa kaliwa, nakasakay ang planeta P sa isang epikuklos na ang sentro ay nasa F na siya namang umiikot sa bilog ABD. Ang lupa E ay nakalihis sa tunay na sentro C. Kaya kung iisipin ang taong nagmamasid sa planeta ay nasa lupa (Earth sa kanang larawan) pinapanood niya ang planeta (kulay dilaw) sa langit ngunit ayon sa kanyang sistema, para bagang nakasakay ito (kulay pula) sa isang epikuklos na nasa balat ng landas ng planeta (malaking bola).

Malamang iniisip mo nga na komplikadong heometriya pala ang kailangan kung ninais mo noon maging astronomo o astrologo (pareho lang dati ang dalawang ito tulad ng pareho lang dati ang alkemya sa kimika). Dagdag pa dito, tandaan na wala pang mga kompyuter noon kung kaya't masalimuot ang pagmomodelo ng mga sistemang ito upang mapaubra.

Kung babalik muna tayo sandali sa mga praktikal na pangangailangang tinutugunan ng sistema, tinangkilik ng Simbahang Katolika ang sistema para sa pagbuo nito ng kalendaryo. Bukod dito, tandaan natin na mas simplistiko noon ang teolohiya ng mga tao kung kaya't inisip noon ang Biblia bilang literal at historikal na sulatin. Nagkataon na may mga bahagi ng Biblia na tila baga sumusuporta sa nasabing larawan ng sanlibutan.


Tumigil muna tayo sandali at magbigay ng buod sa narating natin sa ngayon.


Durugtungan sa susunod na paskil...

Dokumentaryo tungkol sa agham

May dokumentaryong gawa ng BBC na nakapagbibigay ng impormasyon at perspektiba na tugma sa ating mga pagmumuni-muni ngayon tungkol sa agham:

The Story of Science
Episode 1: What is out there?
presented by Michael Mosley
BBC Two

Sa kasawiang palad, hinanap ko sa youtube ngunit ang naroon lang ay tigalawang minutong hango dito: ang pambungad at ang paggawa ng teleskopyo. Hindi na ibinibigay ang buong dokumentaryo.

Kung may interesado sa inyo, mag-email na lang kayo sa akin at gagawa tayo ng paraan para mapanood ninyo.

Martes, Abril 21, 2020

Ang metodo ng agham


Papasok na tayo ngayon sa mismong paksa ng ating kasalukuyang yugto: ang agham. Nais ko kaagad linawin na madalas mapapansin sa teksto na ang pangunahing inaatupag nito ay ang tinatawag na mga agham pangkalikasan (e.g. pisika, biolohiya, kimika, agham pangkapaligiran, atbp.) kung saan ang binibilang o sinusukat ay mga pisikal na meron. Kung tatalakayin ang tao sa mga agham na ito, itinuturing siya bilang pisikal o materyal o pati bilang buhay na nilalang na masusukat at mabibilang sa paraang hindi iba sa mga pisikal, materyal o pati nabubuhay na mga nilalang. Mas masalimuot ang mga metodo ng mga agham panlipunan (e.g. sikolohiya, antropolohiya, sosyolohiya, ekonomika, atbp.) dahil saklaw ng mga larangang ito ang tao lagpas sa kanyang pisikal, materyal, o buhay na kaanyuan. Kaya’t aaminin ko kaagad na may pagkiling ang teksto sa una kaysa sa huli dahil lang sa kadahilanang mas payak (dahil nga nananatili sa nibel ng materyal o pisikal) ang paksa ng mga agham pangkalikasan kaysa mga agham panlipunan. Mahalaga lamang maging mulat na ito kadalasan ang magiging konteksto ng ating mga susunod na talakayan bagaman hindi naman tuwiran at istriktong maituturing na nasa labas ng usapan ang mga agham panlipunan.

Magsimula tayo ngayon sa paksang kilala ng marami sa atin: ang metodo ng agham. Dito natin agad makikita ang ugnayan ng agham sa meron na hindi na rin bago sa atin sapagkat lilitaw na hawig ito sa nakita na rin nating ugnayan ng matematika sa meron.

Ang metodong makaagham ay mailalarawan sa humigit-kumulang limang hakbang:

1. Paglalatag ng problema.
2. Pagpapalagay.
3. Pag-eeksperimento.
4. Pagkakalap.
5. Paglalahat.

Isa-isahin natin:
Una, paglalatag ng problema: sa dinami-rami ng maaaring saliksikin ng isang siyentista, kailangan niyang ilatag sa paraang malinaw kung ano ang partikular na paksa ng kanyang pananaliksik. Kailangan niyang linawin kung ano ang saklaw at hangganan nito. Dito rin inaasahan sa kanya ang pagtatatag ng mga depinisyo ng mga konseptong kanyang gagamitin. Maari nating sabihin na dito na nagsisimula ang kilos ng pag-aabstraksyo. Sa dinami-rami ng mga nagpapakita sa kanya mula sa meron, kinukuha ng siyentista kung ano ang papansinin niya at kung ano ang hindi niya papansinin.

Pangalawa: pagpapalagay. Batay sa mga nasaliksik na, bubuo siya ng isang hula kung ano ang kalalabasan ng kanyang pananaliksik. Mahalagang hakbang ito sapagkat gumagabay ito sa kilos ng pananaliksik. Sa madaling salita, kailangan alam mo kung ano ang hinahanap mo para makita mo ito kung magpakita ito. O sa larangan ng pagtatanong, ang kaalaman ng nagtatanong ang pinanggagalingan ng tanong na siya namang nakaantabay sa kung ano kaya ang ibibigay na sagot sa tanong na ito. Hindi ka makatatanggap ng sagot kung hindi ka naman nagtanong. Sa hakbang na ito madalas gamitin ang salitang hango sa Griyego: hypotithenai o ‘ipagpalagay.’ Ninanais ng siyentistang tiyakin kung magiging katanggap-tanggap ba ang pagpapalagay na ito.

Pangatlo: pag-eeksperimento. Isasagawa na ang aktwal na paghahanap o pagtatanong. Palaging isinasagawa ito sa loob ng laboratoryo. Ano ang laboratoryo? Isa itong kapaligirang hawak at kontrolado ng siyentista upang masubok niya ang kanyang pagpapalagay. Maaring isa itong aktwal na gusali o silid na naglalaman ng lahat ng kanyang mga pangangailangan. Maari rin itong maganap sa labas ng gayong silid o gusali ngunit hawak at kontrolado pa rin ng siyentista ang ilang mga mangyayari sa lugar na iyon. Tinututukan ko dito ang laboratoryo sapagkat kahit pa nangyayari sa meron ang laboratoryo, hawig pa rin sa purong isip ang laboratoryo dahil hiwalay ito sa mga nangyayari kung hahayaan lamang ang mga mangyayari. Samakatwid isang abstraksyo ang laboratoryo: abstraksyong binuo ng tao at hawak ng tao para sa kanyang mga pananaliksik. Sa loob ng laboratoryo, paulit-ulit gagawin ang eksperimento upang matiyak na parehong resulta nga ang makukuha kung inilatag ang parehong mga kalagayan. Ang huling nasabing ito ay mahalagang katangian ng eksperimento mismo.

Pang-apat: pagkakalap. Mula sa paulit-ulit na magpapakita sa loob ng eksperimento, may paraan ang siyentista upang bilangin o sukatin ang mga nagpapakitang ito sa pamamagitan ng mga instrumentong nababagay sa mga ito. Ang mga ibinigay sa kanya (madalas gamitin ang salitang Latin: datum kung isahan o data kung maramihan) ay hahanapan niya ng pormulang matematiko na siyang huhuli sa paulit-ulit na nangyari sa laboratoryo. Sa hakbang na ito naisisilang ang mga teoryang gagabay sa mga susunod na mga pagpapalagay ng iba pang mga pananaliksik.

Panlima at huli: paglalahat. Idedeklara na ng siyentista na ang paulit-ulit na nangyari sa kanyang eksperimento ay nangyayari din sa talagang meron. Bagay dito ang salitang paglalahat sapagkat hindi naman sinaliksik ng siyentista ang lahat ng meron (dahil nga abstraksyo ang eksperimento) ngunit sasabihin niyang uubra din sa lahat ng ganitong mga nangyari na at mangyayari pa sa labas ng laboratoryo ang pormulang nabuo niya. Dahil dito magagamit na ng iba pang mga eksperto ang mga natuklasan niya (ito ang dahilan kung bakit mahalagang malimbag sa mga siyentipikong diyaryo ang papel na resulta ng pananaliksik). Hindi pagmamalabis kung sasabihin nating ibinabalik na ng siyentista sa meron ang kanyang mga natuklasan. Ang umubra sa kanyang laboratoryo ay umuubra din sa meron. Mula dito, posible na ang mga aplikasyon ng kanyang pananaliksik sa anyo ng teknolohiya.

Habag sinusundan mo ang paglalarawang ito, baka napapansin mong nabubuo muli ang siklong napag-usapan natin noon. Heto ang pamilyar na krokis na tumutugma din pati sa kaugnayan ng metodo ng agham sa meron:



 Na siya namang magahahatid sa atin ng ganitong pag-uunawa sa kaugnayan ng agham sa meron:




Mga tanong para sa talaarawan:

1. Paano nakatulong ang pagmumuning ito upang lalo mong maunawaan kung ano ang laboratoryo at kung ano ang eksperimento? Bagaman nasanay ka nang kumilos sa loob nito bilang estudyante ng agham, ano ang bagong hatid sa iyong lente ng ginawa natin ditong metapisikong pagtingin sa agham?


2. Paanong lumilitaw ang tunay na halaga ng pag-iingat at metikulosong pagiging kritikal ng siyentista sa pag-ipon ng kanyang data at pagbuo ng kanyang mga paglalahat?

3. Ano ang sozein ta phainomena? Paano sumusunod sa prinsipyong ito ang metodong maka-agham? Ilapat ang mga nibel ng sozein ta phainomena sa mga hakbang ng metodong maka-agham.