Linggo, Abril 26, 2020

Ang Dalawang Sistema ng Daigdig (Huling Bahagi)

Kung babalikan natin ang huling larawan ng naunang paskil, sinabi doon na tumagal ng labinlimang dantaon ang sistema ni Ptolemaios. Maraming mga nagmasid sa langit ang nakinabang sa nabuo niyang sistema at nakarating sila sa mga resultang umubra at tumumbas sa mga inaasahang mangyayari.

Bukod dito, natapos ang naunang paskil sa pagpuna kung gaano kasalimuot ng sistema ni Ptolemaios. Buti sana kung sentro at balat lang ng bola ang iisipin (para sa marami sa atin, kasama na ako, masalimuot na rin ang heometriya ng bola), ngunit naroon pa ang mga epikuklos at eksentriko na nagdagdag pa ng marami pang anggulong susukatin upang marating ang inaasahang mga resulta.

Sa pagtagal ng panahon, habang dumarami ang datang hawak ng mga astronomo, dumami nang dumami ang mga epikuklos at eksentriko na kailangang idagdag sa sistema upang ipagkasundo sa sistema ang napagmamasdan sa langit at upang mahulaan ng sistema ang magiging galaw sa langit.

Panahon lang ang kailangan upang may magsabi na naging halimaw nang may milyung-milyong galamay ang astronomiya. At mula sa karanasang ito, may maghahanap ng alternatibo. Nangyari ito sa katauhan ng isang  Polako na nagngalang Mikolaj Kopernik.


Gamit ang data ng mga nauna sa kanya, sinubukan ni Kopernik aregluhin ang parehong mga impormasyon gamit ang ibang disenyo. Bumalik din siya sa mga sinaunang Griyego upang maghanap ng gabay. Sa kanyang pananaliksik, natuklasan niya ang mga sulatin ni Aristarchos.


Salungat ang pananaw na ito sa nanaig na pananaw na siyang pinagbatayan ng sistema ni Ptolemaios. Naisip ni Kopernik kung ano ang mangyayari kung sinunod niya ang mungkahi ni Aristarchos. At natuklasan niyang may mabubuong kaayusan ang data at ang mabubuong sistema ay mas payak kaysa sa kay Ptolemaios.


Makikita sa pahina ng aklat ni Kopernik sa itaas ang araw (Sol.) at nasa pangatlong bola ang lupa (Terra)  kung saan naman umiikot ang buwan. May mga epikuklos at eksentriko pa rin ngunit hindi ganoon karami. Umuubra din ang sistema at di hamak na mas payak sa nauna.

Naniwala ba si Kopernik na ang kanyang natuklasan ay talagang larawan ng sanlibutan? Paksa pa rin ito ng debate hanggang ngayon. Ipinagpaliban kasi ni Kopernik ang paglimbag ng kanyang aklat dala ng takot na madeklara siyang erehe ng Simbahang Katolika. Ang Aleman niyang alagad na si Von Lauchen ang nagpalimbag nito sa taon ng kamatayan ni Kopernik at si Von Lauchen ang nagsulat ng prepasyong nagsabi na ito'y modelong umuubra lamang at hindi tunay na larawan ng daigdig. Mahalagang punto ito na babalikan natin sa ating pagmumuni-muni mamaya. Ituloy muna natin ang kwento.

Maari nating mapuna sa puntong ito na pinaguho ni Kopernik ang isa sa dalawang mga sapantaha ng sistema ni Ptolemaios.


Nalimbag ang aklat ni Kopernik noong 1543 ngunit hindi kaagad naging katanggap-tanggap ang kanyang kontribusyon. Hindi nagkamali sa kanyang pangamba si Kopernik dahil ipinagbawal ng Simbahang Katolika ang pagbasa ng aklat dahil labag ito sa turo (balikan ang huling dalawang larawan ng naunang paskil).

Kinailangang hintayin ng daigdig ang sandaling itutok ni Galileo sa langit ang teleskopyo upang siryosohin ang sistema ni Kopernik.


Ano ang magiging kapalaran ng pagpapalagay ni Ptolemaios na hugis bola ang mga landas ng mga planeta. Dadaan ang kwento natin sa personalidad ng isang Danes na astronomong si Tycho Brahe.


Naging masugid na tagapagmasid ng planetang Mars itong si Brahe. Ang mahalaga niyang kontribusyon sa ating kwento ay ang pag-iwan niya ng napakaraming data. Noong namatay siya noong 1601, nag-iwan siya sa kanyang kanang kamay na si Johannes Kepler ng napakaraming kwadernong naglalaman ng posisyon ng Mars sa nagdaang mga sampung (10) taon.

Sa kanyang pagpanaw, iniatas ni Kepler sa kanyang sarili ang isang hamon: ipagkasundo ang data ni Brahe sa teorya ni Kopernik.


Alam ni Kepler na metikuloso ang kanyang maestro kung kaya't hindi siya nagduda sa katumpakan ng data ni Brahe. Bukod dito, hindi niya ipinagwalang bahala ang 8 minutong hindi magkasya. Hindi niya sinabi na "pwede na iyan, walong minuto lang naman." Sa halip binalikan niya ang kanyang mga kalkulasyon hanggang sa naisip niya na baka maaari niyang baguhin ang hugis ng landas ng planeta upang magkatugma ang data at ang teorya.


Kung kinuwestyon ni Kopernik ang unang sapantaha, naisip naman niyang batikusin ang pangalawa. Sinubukan niya ang iba pang mga pigura. Wala pa ring umubra. Nanatili ang anomalya. Ngunit noong sinubukan niya ang data sa pigura ng elipse, tumumbas!


Maaring niyo itong panoorin kung nais niyo matuto kung paano magdrowing ng elipse: https://www.youtube.com/watch?v=7UD8hOs-vaI


Hawig ang elipse sa bilog. Ngunit imbes na may isang sentro, may dalawa kang focus.


Kung tinignan ninyo ang video, makikita ninyo na ang haba ng ginamit na pisi ang nagbigay depinsiyo sa elipse. Kung kukuha ka ng kahit anong punto ng elipse, lilitaw na ang pinagsamang layo nito sa dalawang focus ay katumbas din ng sa kahit anong iba pang punto nito.

Ang ginawa ni Kepler, isinakay niya ang Mars sa elipse at inilagay ang araw sa isa sa mga focus ng elipse.


Hindi lamang napagtugma ni Kepler ang teorya ni Kopernik sa data ni Brahe, tinanggal din niya ang pangangailangan sa mga epikuklos at eksentriko, at nagbigay ng mas eleganteng paliwanag kung paano umuuga, gumigiray, umuurong-sulong ang planeta.

Isipin mo na ang lupang tinutuntungan mo ay nakasakay sa isang elipse. Ang araw ay nasa isa sa dalawang focus nito. Ang Mars naman ay nakasakay sa isang mas malakig elipse sa labas ng landas ng lupa. Dahil parehong nakasakay sa elipse ang dalawang planeta, kung minsan nauuna ang Mars kaya sa punto de bista natin ito'y sumusulong, at kung minsan naman nauuna ang lupa kaya sa punto de bista natin, parang umuurong ang Mars.

Tuwiran nang nabuo ang bagong sistemang heliosentriko (araw ang sentro) sa patuloy na pagtalikod sa dalawang sapantaha ni Ptolemaios.


Balikan natin dito ang naitanong kanina tungkol kay Kopernik. Sa panahon natin ngayon, baka madali tayong makumbinsi na tama si Kopernik at mali si Ptolemaios. Pero tandaan ang pagkakaibang ibinigay na natin sa kaibahan ng tama sa totoo.

Umubra ang sistema ni Ptolemaios ng humigit 1,500 at nakapagbigay ng mga tamang sagot ayon sa mga aksyoma nito. Tulad ng palaisip na eksena ni Padre Ferriols kung saan kapiling mo sa ibabaw ng Bundok Olympos sina Ptolemaios at Kopernik at nagtanonng ka sa kanila tungkol sa posisyon ng isang planeta o kumpol ng mga bituwin, magkaiba sila ng gagawing kalkulasyon pero parehong parte ng langit sila tuturo sa kanilang mararating na sagot. Magkaibang sistema na parehong umuubra at hindi mo pwedeng gamiting pamantayan ang isa upang tasahin ang pangalawa.

Ang tanong ng "tama ba" ay palaging gumagalaw sa larangan ng sistema. Hindi ba't nasuri na natin noon na ang tanong na ito ay laging tinatanong sa loob ng mga partikular na sistema?

At kung pupunta naman tayo sa tanong na "meron ba?," Maaring may magsabi na hindi na ginagamit ang mga pagpapalagay ng mga siyentistang nabanggit sapagkat ayon sa kasalukuyang teorya ng dambuhalang bang (hehehe), wala namang sentro ang sanlibutan. Pero ang dambuhalang bang, hindi naman kayang ipaliwanag ang lahat. Pati ito ay isa ring sistemang gumagalaw sa sarili nitong aksyima upang makapagbigay ng tamang sagot o hula sa kung ano ang mangyayari.

Maari na siguro natin ibuod ang kasalukuyang talakayan:


Mga tanong para sa talaarawan:

1. Paanong naipakita dito na palaging may suhetibong aspekto ang agham: ang siyentistang nag-aagham ay taong gumagalaw sa meron at hindi mo siya maihihiwalay sa kanyang karanasan at kapanahunan. Tingnan sina Ptolemaios, Kopernik, Brahe, at Kepler.

2. Hindi tinatanong ng agham ang tanong na "totoo ba" o "meron ba." Ang mga tanong na inaatupag ng agham ay ang tanong ng "tama ba ayon sa sistema" at "umuubra ba." Sang-ayon ka ba dito? Ano ang ebidensya nito sa iba pang mga sanga ng agham bukod sa astronomiya?

3. Kung may apat na pag-aninag ng meron sa loob ng sipnayan ng matematika, may pag-aninag din ba ng meron sa loob ng masasalimuot na sistema ng agham?


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento