Biyernes, Mayo 1, 2020

Replika ba ng meron ang agham?

Magandang hapon mga katoto. Mayo na at malapit nang matapos ang ating semestre. May ilan  na lamang akong maiikling mga paskil para sa inyo sa mga darating na araw.

Ang tanong natin ngayon ay kung replika ba ng meron ang agham. Tandaan na ginagamit ni Padre Ferriols ang katagang "replika" sa kahulugang: Isang larawan na kumpleto sa lahat at bawat detalye; tumbas na tumbas sa bagay na nilalarawan; bahagi sa bahagi, sukat sa sukat, galaw sa galaw.

Kung matalas ninyong sinusundan ang talakayan, baka napansin niyo na ang tanong na ito ay hawig sa naunang tanong ukol sa pagtumbas ng matematika sa meron: isa sa isa at galaw sa galaw.

Kaya't kung palaging may paghihiwalay sa meron na nangyayari sa bawa't pagbilang at pagsukat, hawig din dito ang masasabi tungkol sa agham. Hindi replika ng meron ang agham.

Upang lalong maunawaan ang mahalagang puntong iyan, daanan muna natin ang dalawang dahilan kung bakit may mga nag-akala na replika ng meron ang agham.

1. Si Galileo at ang matematika. Tingnan ang sipi sa teksto natin mula kay Galileo kung saan naniwala si Galileo na wika ng kalikasan ang matematika. Sa kanyang paghanga sa galing ng matematika sa pagsukat at pagbilang sa kalikasan, inakala na niya na nahuhuli na nito ang kalikasan sa paraang tumbas na tumbas. Mapagbibigyan ang pananaw na ito sa panahon ni Galileo kung kailan bagu-bago pa lamang ang modernong agham madaling mabighani sa galing nito sa paghuli sa ilang mga pangyayari sa kalikasan.

2. Ang relos ni Newton. Kung idudugtong muna natin ang lugar ni Newton sa kwento natin tungkol sa astronomiya, mahalaga ang kanyang ambag dahil naipakita niya na magagamit mo ang iisang pormula upang ipaliwanag ang pagkilos ng kahit anong katawang kumikilos, maging ito man ang planetang Mars o kung ito man ay isang mansanas na nahuhulog mula sa puno.


Nagbigay si Newton ng modelo ng sanlibutan na hawig sa tumatakbong relos. Bawat planeta o buwan ay may sinusundang galaw tulad ng bawat bahagi ng isang mekanikal na relos. Kung alam mo ang takbo ng makina, alam mo ang bawat mangyayari dito. Base sa mga pangkalahatang batas, naibibigay ng agham ang paliwanag para sa lahat ng nangyayari sa kalikasan. Mapagbibigyan ang ganitong pananaw kung kumbinsido tayo na ang pag-ubra ng mga sistema ay tunay na larawan ng meron. Hindi nga ba't iba ang umuubra sa talagang totoo at meron?

Upang lalong ipakita ang pagkukulang ng dalawang mga pananaw na ito, nagbigay ng dalawang pagsusuri si Padre Ferriols tungkol sa relasyon ng agham sa meron kung kaya't hindi talaga replika ng meron ang agham.

1. Suhetibong aspekto: tao ang nag-aagham. Dahil tila baga tungkol sa kahinaan ng tao ang pinuna ni Padre Ferriols sa teksto, magdaragdag ako ng naiibang halimbawa. Balikan natin si Ptolemaios. Hindi nga ba't ipinagpalagay niya na hugis bola ang mga landas ng mga planeta? Paano niya nalaman o nasabi iyon bagaman wala namang naka-oobserba ng mga guhit na dinadaanan ng mga planeta? Sinapantaha niya ito; ipinagpalagay niya ito mula sa kanyang mga pag-aakala bilang taong nabuhay noong unang dantaon na nasa ilalalim ng impluwensya ng kulturang Griyego. Hindi ibinigay ng kalikasan ang detalyeng ito ng kanyang sistema. Ibinigay sa kanya ito ng kanyang kultura.

2. Obhetibong aspekto: ang pagsusukat (2.a.) at paglapat ng mga instrumento (2.b.).

2.a. Tingnan ang grap sa ibaba tungkol sa pagbaba ng polusyon sa hangin habang nagaganap ang ECQ sa Kalakhang Maynila:


Kung susuriin natin ang pagkolekta ng data na pinagbasehan ng grap na ito, ginagawa ang pagsukat sa paglipas ng bawa't oras. Inilalapat sa grap sa y-aksis ang bawat oras sa loob ng isang araw. Ayon sa patakaran ng grap, otomatik na ikinokonekta ang mga puntong ito. Ano ang sukat ng polusyon sa kada-kalahating oras? Hindi na kailangan sukatin. tingnan mo na lamang ang grap at ipagpalagay natin na doon tatama kung saan dumaan ang linyang nagkonekta sa dalawang punto. Hindi kaya ng mga patakaran ng agham na sukatin ang lahat ng pagkakataon (pati ang katagang "real time" ay isa ring abstraksyo at hindi meron). Hindi mabibilang (Latin: infinitum) ang pagkakataong magsukat ngunit pag-aaksaya ng panahon, materyales at enerhiya kung bawat sandali (at infinitum ang mga sandaling ito) ay nagsusukat ang siyentista. Bagaman may sinasabi tungkol sa meron ang grap na ito, hindi pa rin replika ng meron ang naibibigay nito.

2.b. May kakayahan at hangganan ang bawa't panukat. Gaano man karami ang guhit ng isang ruler, palaging posibleng pumagitna sa mga guhit na ito ang sinusukat.


Meron din namang mga panukat na mas matindi pa ang kakayahan kaysa sa karaniwang ruler. Halimbawa nito ang caliper:


Pero pati iyan ay may hangganan din. Maari mong ituloy ang talakayang ito sa pagdagdag pa ng mas sopistikadong panukat kaysa sa caliper at hindi matatapos ang usapang ito. Palaging may katiting na hindi masusukat na siya namang hindi na sinusukat at kinikilalang maari nang ipagpaliban. Mula dito, masasabi nating asintotiko ang relasyon ng mga panukat sa meron na sinusukat: lumalapit nang lumalapit ngunit hindi talaga lubusang nahuhuli.

Ano ang asintotiko? Ganito ang aritmetikong paliwanag: kumuha ka ng kahit anong bilang at hatiin mo sa kalahati. Sa bawat makukuha mong resulta, hatiin mo muli sa kalahati. Hindi matatapos ang prosesong ito dahil palaging may matitira, gaano man ito kaliit. O sa madaling salita, hindi ka makararating sa zero (0).

Ano ang asintotiko? Ganito ang heometrikong paliwanag: isipin mo ang isang kurbadang palapit nang palapit sa x-aksis o sa y-aksis ngunit hindi kailanman tatama sa nasabing aksis. Sa larawan sa ibaba, kulay bughaw ang mga sinasabing mga asintotikong kurba.


Tinalakay natin nang hiwalay ang suhetibo at obhetibong aspekto ng agham ngunit sa nangyayari sa loob ng laboratoryo, nagtatalaban ang dalawang ito. Isipin mo ang karanasan mo ng pagsukat ng dami ng tubig sa isang silindrong nagtapos (hehehe).


Kailangang siguraduhin ng nagbabasa na ang nibel ng mata niya ay perpendicular sa tayo ng silindro. Bukod dito, dapat nakalagay sa mesa o patungang nakanibel (o pantay) ang silindro at hindi lang basta hawak-hawak ng nagbabasa. Idagdag mo pa sa sitwasyong ito ang hangganan ng panukat at ang kahirapang makita kung saan talaga tatapat ang meniscus ng tubig (Ang salitang meniscus ay galing sa salitang Latin na ang ibig sabihin ay "parang buwan": hindi nga ba may anyo ang buwan na parang duyan?). Sa talagang nangyayari, nagtatalaban ang suhetibo at obhetibong aspekto ng agham kung kaya't hindi ito nakapaghahatid sa atin ng replika ng meron.


Mga tanong para sa talaarawan;

1. Nasanay ka rin ba mag-isip na basta't sinabi ng siyentista o ng aklat ng agham, ito ay totoo? May nagbago ba sa iyong pag-iisip tungkol dito?

2. Pagmunihan ang puntong ito: Hindi naman natin tinatanggihan o pinabubulaanan ang mga sinasabi sa atin ng agham. Inilalagay lang natin sa tamang perspektiba kung ano ang kayang sabihin ng agham at kung ano ang ipinagpapaliban nito.

3. Dahil sa talakayang ito, lalo ka bang nakukumbinsi na disiplinado ang agham o nagsisimula ka na bang magduda sa kabuluhan nito?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento