Tuwiran
na natin ngayong pag-usapan at pagmunihan ang agham at ang kaugnayan nito sa
meron. Bilang gabay sa pagbabasa , ang susunod na talakayan ay batay sa mga
seksyon ng ating teksto na pinamagatang Ukol
sa dalawang sistema at Larawan at
matematika sa panahong medioebal atbp (Ang isyu kung ang agham ay replika
ng meron ay lalaktawan muna natin ngunit babalikan pagkatapos nito.). Kaya kung
handa na kayo, heto na:
Sapagkat nakita na natin na ang agham ay abstraksyo mula sa meron na siya namang ginagawan ng aplikasyon sa meron, magsimula tayo ngayon sa dahilan kung bakit kailangang bumuo ng sistema ng daigdig. Hindi naman ito ginawa lamang ng mga taong walang magawa. Narito ang mga dahilan na siya namang nanggagaling sa mga tunay na pangangailangan.
Noon nang nakita ang kaugnayan ng paggalaw ng mga katawang langit sa pagbago ng panahon. Lalong mahalaga ito para sa mga Europeo dahil kailangan nila mahulaan kung gaano katagal ang taglamig at masiguradong nakapag-impok sila ng sapat na pagkain.
Ang naglalayag sa gitna ng dagat ay walang ibang magamit na mapa kundi ang mga bituwin sa langit. Ang kakayahang makilala ang pagkakalatag ng mga bituwin ay mahalaga sa paglalakbay.
Naging mahalaga ang pagsasaliksik na ito sa mga Muslim kung kanino mahalagang matukoy ang direksyon kahit sa gitna ng disyerto upang makaharap sila palagi sa Mecca tuwing mananalangin. Sa mga Kristiyano naman, ang pagtalaga ng mga pista tulad ng semana santa ay batay din sa mga kalendaryong binatay sa kilos ng araw.
Bagaman hindi na kinikilala ngayon ngunit maraming hari ng Europa ang sumangguni sa mga bituwin upang mahulaan ang mga mangyayari sa kasaysayan.
Paano ang naging itsura ng sistema? Ipinagpalagay ng mga sinaunang Griyego na tayo ang nasa gitna ng lahat at sa atin umiikot ang mga planeta. Kahit naman sa wika natin, sanlibutan ang tawag natin dito, mula sa karanasan natin sa pag-ikot sa atin ng araw at buwan. Ang kinilalang pantas na siyang nagtipon ng mga pananaliksik ay si Klaudios Ptolemaios.
Ano ang naging itsura ng sistema ni Ptolemaios? Maaaring tingnan ang larawan sa ibaba. Kung nais niyo, pwede niyo itong tawaging isang makalangit na sibuyas. Bukod sa paglagay sa lupa sa gitna ng sistema, ipinagpalagay din ni Ptolemaios na hugis-bola ang mga landas ng mga planeta. Bagaman hindi talaga nakikita ng mata ang hugis ng landas, walang tumanggi dito dahil sa kaisipang Griyego, ang bola ang pinakaganap na hugis at dahil nga mga diyos ang mga katawang langit, nararapat lamang na kumilos ang mga ito sa landas ng mga hugis bola.
Ngunit sa pagdaan ng panahon, sinikap ng mga gumamit ng sistema na ipasok sa mga aksyoma nito ang naipon nilang data sa kanilang pagmamasid. Payak sana ang pagtutumbas na ito kung ang lahat ng planeta ay katulad ng araw at buwan na tuluy-tuloy ang kilos mula silangan hanggang kanluran. Makikita sa larawang ito na sa kaso ng planetang Mars, may pagkakataon na bahagya itong umuurong nang ilang araw bago magpatuloy sa nakagawiang pagsulong. Ito ang tinawag ni Padre Ferriols na uga-giray-urong-sulong ng planeta.
Masusubaybayan sa itaas ang kilos ng planeta mula Mayo hanggang Enero ng kasunod na taon. Sa landas nito pakanluran makikitang mula 29 Hulyo hanggang 17Setyembre, aatras ito bago bumalik sa nakagawiang direksyon. Ayon sa prinsipyo ng sozein ta phainomena, kailangang hanapan nila ng lugar sa loob ng sistema ang naobserbahang kilos na ito ng planeta. Upang gawin ito, kailangan nilang magdagdag ng ilan pang mga elemento sa sistema.
Primera, nasabi nang hugis bola ang landas ng planeta. Maaari niyong isiping nakasakay sa balat ng bolang ito ang nasabing planeta. Upang maipakita ng sistema ang nakitang uga-giray-urong-sulong, isipin niyong may nakakabit na mas maliit na bolang gumagalaw sa balat ng mas malaking bola at nakasakay sa mas maliit na bolang ito ang planeta. Ganito:
Nasa gitna ang lupa at nakasakay ang planeta sa maliit na hugis bolang umiikot sa mas malaking hugis bola. Samakatwid, mula sa punto de bista ng taong nasa lupa, makikkitang bahagyang umaatras ang planeta bago ito tumuloy na umikot sa nakagawiang direksyon.
Ngunit hindi pa ito naging sapat. Upang maging tapat sa data, kinailangan ding idagdag ang eksentriko. Eksentriko ang relasyon ng isang punto sa isang bilog kung nasa loob ng bilog ang punto ngunit wala ang nasabing punto sa sentro ng bilog. Tingnan ang larawan:
May apat na bilog sa larawan at may punto. Eksentriko ang relasyon ng mga bilog sa punto dahil hindi naman sentro ng alinman sa mga bilog ang punto. Samakatwid, imbes na ilagay ang lupa sa aktwal na sentro ng mga landas na hugis bola, inilagay ito ng lihis sa sentro. Sa ganitong paraan, nagkakasundo ang data at ang sistema. Pagsamahin na natin ngayon ang dalawang elemento.
Sa larawan sa kaliwa, nakasakay ang planeta P sa isang epikuklos na ang sentro ay nasa F na siya namang umiikot sa bilog ABD. Ang lupa E ay nakalihis sa tunay na sentro C. Kaya kung iisipin ang taong nagmamasid sa planeta ay nasa lupa (Earth sa kanang larawan) pinapanood niya ang planeta (kulay dilaw) sa langit ngunit ayon sa kanyang sistema, para bagang nakasakay ito (kulay pula) sa isang epikuklos na nasa balat ng landas ng planeta (malaking bola).
Malamang iniisip mo nga na komplikadong heometriya pala ang kailangan kung ninais mo noon maging astronomo o astrologo (pareho lang dati ang dalawang ito tulad ng pareho lang dati ang alkemya sa kimika). Dagdag pa dito, tandaan na wala pang mga kompyuter noon kung kaya't masalimuot ang pagmomodelo ng mga sistemang ito upang mapaubra.
Kung babalik muna tayo sandali sa mga praktikal na pangangailangang tinutugunan ng sistema, tinangkilik ng Simbahang Katolika ang sistema para sa pagbuo nito ng kalendaryo. Bukod dito, tandaan natin na mas simplistiko noon ang teolohiya ng mga tao kung kaya't inisip noon ang Biblia bilang literal at historikal na sulatin. Nagkataon na may mga bahagi ng Biblia na tila baga sumusuporta sa nasabing larawan ng sanlibutan.
Tumigil muna tayo sandali at magbigay ng buod sa narating natin sa ngayon.
Durugtungan sa susunod na paskil...
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento