Papasok
na tayo ngayon sa mismong paksa ng ating kasalukuyang yugto: ang agham. Nais ko
kaagad linawin na madalas mapapansin sa teksto na ang pangunahing inaatupag
nito ay ang tinatawag na mga agham pangkalikasan (e.g. pisika, biolohiya,
kimika, agham pangkapaligiran, atbp.) kung saan ang binibilang o sinusukat ay
mga pisikal na meron. Kung tatalakayin ang tao sa mga agham na ito, itinuturing
siya bilang pisikal o materyal o pati bilang buhay na nilalang na masusukat at
mabibilang sa paraang hindi iba sa mga pisikal, materyal o pati nabubuhay na
mga nilalang. Mas masalimuot ang mga metodo ng mga agham panlipunan (e.g.
sikolohiya, antropolohiya, sosyolohiya, ekonomika, atbp.) dahil saklaw ng mga
larangang ito ang tao lagpas sa kanyang pisikal, materyal, o buhay na kaanyuan.
Kaya’t aaminin ko kaagad na may pagkiling ang teksto sa una kaysa sa huli dahil
lang sa kadahilanang mas payak (dahil nga nananatili sa nibel ng materyal o
pisikal) ang paksa ng mga agham pangkalikasan kaysa mga agham panlipunan.
Mahalaga lamang maging mulat na ito kadalasan ang magiging konteksto ng ating
mga susunod na talakayan bagaman hindi naman tuwiran at istriktong maituturing
na nasa labas ng usapan ang mga agham panlipunan.
Magsimula
tayo ngayon sa paksang kilala ng marami sa atin: ang metodo ng agham. Dito
natin agad makikita ang ugnayan ng agham sa meron na hindi na rin bago sa atin
sapagkat lilitaw na hawig ito sa nakita na rin nating ugnayan ng matematika sa
meron.
Ang
metodong makaagham ay mailalarawan sa humigit-kumulang limang hakbang:
1. Paglalatag
ng problema.
2. Pagpapalagay.
3. Pag-eeksperimento.
4. Pagkakalap.
5. Paglalahat.
Isa-isahin
natin:
Una,
paglalatag ng problema: sa dinami-rami
ng maaaring saliksikin ng isang siyentista, kailangan niyang ilatag sa paraang
malinaw kung ano ang partikular na paksa ng kanyang pananaliksik. Kailangan
niyang linawin kung ano ang saklaw at hangganan nito. Dito rin inaasahan sa
kanya ang pagtatatag ng mga depinisyo ng mga konseptong kanyang gagamitin.
Maari nating sabihin na dito na nagsisimula ang kilos ng pag-aabstraksyo. Sa
dinami-rami ng mga nagpapakita sa kanya mula sa meron, kinukuha ng siyentista
kung ano ang papansinin niya at kung ano ang hindi niya papansinin.
Pangalawa:
pagpapalagay. Batay sa mga
nasaliksik na, bubuo siya ng isang hula kung ano ang kalalabasan ng kanyang
pananaliksik. Mahalagang hakbang ito sapagkat gumagabay ito sa kilos ng
pananaliksik. Sa madaling salita, kailangan alam mo kung ano ang hinahanap mo
para makita mo ito kung magpakita ito. O sa larangan ng pagtatanong, ang kaalaman
ng nagtatanong ang pinanggagalingan ng tanong na siya namang nakaantabay sa
kung ano kaya ang ibibigay na sagot sa tanong na ito. Hindi ka makatatanggap ng
sagot kung hindi ka naman nagtanong. Sa hakbang na ito madalas gamitin ang
salitang hango sa Griyego: hypotithenai
o ‘ipagpalagay.’ Ninanais ng siyentistang tiyakin kung magiging
katanggap-tanggap ba ang pagpapalagay na ito.
Pangatlo:
pag-eeksperimento. Isasagawa na ang
aktwal na paghahanap o pagtatanong. Palaging isinasagawa ito sa loob ng laboratoryo.
Ano ang laboratoryo? Isa itong kapaligirang hawak at kontrolado ng siyentista
upang masubok niya ang kanyang pagpapalagay. Maaring isa itong aktwal na gusali
o silid na naglalaman ng lahat ng kanyang mga pangangailangan. Maari rin itong
maganap sa labas ng gayong silid o gusali ngunit hawak at kontrolado pa rin ng
siyentista ang ilang mga mangyayari sa lugar na iyon. Tinututukan ko dito ang
laboratoryo sapagkat kahit pa nangyayari sa meron ang laboratoryo, hawig pa rin
sa purong isip ang laboratoryo dahil hiwalay ito sa mga nangyayari kung
hahayaan lamang ang mga mangyayari. Samakatwid isang abstraksyo ang
laboratoryo: abstraksyong binuo ng tao at hawak ng tao para sa kanyang mga
pananaliksik. Sa loob ng laboratoryo, paulit-ulit gagawin ang eksperimento
upang matiyak na parehong resulta nga ang makukuha kung inilatag ang parehong
mga kalagayan. Ang huling nasabing ito ay mahalagang katangian ng eksperimento
mismo.
Pang-apat:
pagkakalap. Mula sa paulit-ulit na
magpapakita sa loob ng eksperimento, may paraan ang siyentista upang bilangin o
sukatin ang mga nagpapakitang ito sa pamamagitan ng mga instrumentong nababagay
sa mga ito. Ang mga ibinigay sa kanya (madalas gamitin ang salitang Latin: datum kung isahan o data kung maramihan) ay hahanapan niya ng pormulang matematiko na
siyang huhuli sa paulit-ulit na nangyari sa laboratoryo. Sa hakbang na ito
naisisilang ang mga teoryang gagabay sa mga susunod na mga pagpapalagay ng iba
pang mga pananaliksik.
Panlima
at huli: paglalahat. Idedeklara na
ng siyentista na ang paulit-ulit na nangyari sa kanyang eksperimento ay
nangyayari din sa talagang meron. Bagay dito ang salitang paglalahat sapagkat
hindi naman sinaliksik ng siyentista ang lahat ng meron (dahil nga abstraksyo
ang eksperimento) ngunit sasabihin niyang uubra din sa lahat ng ganitong mga
nangyari na at mangyayari pa sa labas ng laboratoryo ang pormulang nabuo niya.
Dahil dito magagamit na ng iba pang mga eksperto ang mga natuklasan niya (ito
ang dahilan kung bakit mahalagang malimbag sa mga siyentipikong diyaryo ang
papel na resulta ng pananaliksik). Hindi pagmamalabis kung sasabihin nating
ibinabalik na ng siyentista sa meron ang kanyang mga natuklasan. Ang umubra sa
kanyang laboratoryo ay umuubra din sa meron. Mula dito, posible na ang mga
aplikasyon ng kanyang pananaliksik sa anyo ng teknolohiya.
Habag
sinusundan mo ang paglalarawang ito, baka napapansin mong nabubuo muli ang
siklong napag-usapan natin noon. Heto ang pamilyar na krokis na tumutugma din
pati sa kaugnayan ng metodo ng agham sa meron:
Mga
tanong para sa talaarawan:
1. Paano
nakatulong ang pagmumuning ito upang lalo mong maunawaan kung ano ang
laboratoryo at kung ano ang eksperimento? Bagaman nasanay ka nang kumilos sa
loob nito bilang estudyante ng agham, ano ang bagong hatid sa iyong lente ng
ginawa natin ditong metapisikong pagtingin sa agham?
2. Paanong
lumilitaw ang tunay na halaga ng pag-iingat at metikulosong pagiging kritikal
ng siyentista sa pag-ipon ng kanyang data at pagbuo ng kanyang mga paglalahat?
3. Ano
ang sozein ta phainomena? Paano
sumusunod sa prinsipyong ito ang metodong maka-agham? Ilapat ang mga nibel ng sozein ta phainomena sa mga hakbang ng
metodong maka-agham.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento