Gumanap
tayo ngayon ng pagmumuning hawig sa nauna ngunit ngayon naman tungkol sa
heometriya. Malamang may mga elementong mauulit dito ngunit umaasa akong may
bago din tayong makikita. Kung kaya’t pagtiyagaan natin.
Sabihin
na nating may linya AB at may punto C na hindi bahagi ng linya AB. Ilang linya
ang maaaring mabuo kung saan dadaan itong bagong linya sa punto at tatawid sa
naunang linya sa paraang perpendicular (may 90 grado)?
Malamang ang isasagot mo ay “isa at isa lamang.” Hindi maaaring lumampas sa isa sapagkat isa nga lamang ang mabubuong linyang tutupad sa mga sinabing aksiyoma. Baka ganito ang iyong iniisip:
Malamang
din para sa ilan sa inyo na nag-aaral ng kursong matematika o yaong mga naging
mas maingat na sumagot sa mga tanong ko gawa na rin nang napaso o natuto na sa
mga nangyari noon (sana mabuting bagay ito dahil nagiging mas kritikal at
mapagmuni tayo), tama ang nasabin sagot kung ang heometriya ni Euklides ang
pinag-uusapan. Ito ang tinatawag na klasikal na heometriya kung saan lahat ng
mga pigurang pinag-uusapan ay nakalatag sa isang walang-hanggan at ganap na
kapatagan. Bakit mahalagang punahin ito? Sapagkat hindi lamang ito ang
kaisa-isahang heometriya. Katulad ng nakita natin sa decimal at binary sa
naunang pagmumuni, maiiba ang sagot natin sa parehong katanungan kung ibang
sistema ang ating gagalawan.
Paano
kaya? Balikan mo ang linya AB at ang punto C. Kunin mo ang mga ito mula sa
pinaglagyan nitong kapatagan ni Euklides at ilipat ito sa balat ng isang ganap
na bola. Tapos tanungin mo muli ang parehong katanungan. Sa sandaling ito,
magkakamali ka kung “isa” pa rin ang iyong isasagot. Sa kasong ito, ang tamang
sagot ay higit sa isa sapagkat hindi mabibilang (maaaring gamitin ang kilalang
salitang Latin dito: infinitum). Kung
nalilito ka na, maghunus-dili ka at magdadahan-dahan tayo muli. Huwag
mag-alala, may paraang pamilyar sa iyo na magagamit natin upang mas masakyan mo
ito. Heto na:
Pareho
lamang ang tanong ngunit magkaiba ang tamang sagot depende kung aling sistema
ang ating ginagamit. Kung nasa kapatagan ni Euklides ang linya at punto, “isa”
ang sagot. Kung nakalatag sa balat ng ganap na bola ang linya at punto,
“infinitum” ang sagot. Muli, nakikita natin na ang sistema bilang pamantayan at
sanggunian ang nagdidikta kung ano ang tamang sagot. Kung ano ang tama o mali
ay hindi maaaring masagot sa labas ng sistema.
Pati
ang mga depinisyo ng mga konsepto ay idinidikta ng sistema. Sa kapatagan ni
Euklides, istriktong tuwid ang mga linyang nabubuo dala ng kalikasan mismo ng
ganap niyang kapatagan. Sa heometriya sa bola, kurbada ang lahat ng linya
(hindi nga ba’t ito ang mapapansin sa mga linya ng globo kahit pa longgitudo o
latitudo ang pinag-uusapan?) na siyang dala din ng kalikasan mismo ng ganap na
bola.
Nakikita
mo na ba kung paanong may hawig tayong nakikitang nangyayari sa heometriya ni
Euklides hambing sa heometriya sa bola at sa sistemang decimal hambing sa
sistemang binary?
Upang
lalong maunawaan ang mahiwagang kilos ng mga sistemang matematiko, lumipat tayo
sandali at gamiting larawan ang mga larong pampalakasan bilang mga sistema.
Hindi naman siguro lalabas na pambihira ang makikita natin ngunit sana ito’y
makatulong. Maghambing tayo ngayon ng dalawang larong pwedeng asahang pamilyar
sa ating lahat: ang basketbol at ang balibol.
Marami tayong maaaring pag-usapan dito tulad ng mga depinisyo ng mga hudyat na ginagamit. Ang parehong senyas ng kamay ay maaaring mangahulugang iba sa basketbol kumpara sa balibol. Pwedeng tignan ang iisang hudyat na babasahin bilang travelling sa basketbol ngunit babasahin naman bilang substitution sa balibol. Dito pa lamang, makikita ang sistema bilang kontekstong nagbibigay ng depinsyo sa hudyat.
Ngunit ang nais ko talagang gamiting larawan ay ang ugnayan ng manlalaro sa mga hangganang nakapinta sa sahig ng palaruan. Mapapansin mo sa basketbol na napaka-istrikto ng mga hangganang iyan at malaki ang epekto ng mga ito sa takbo ng laro. Kung ilalabas ang bola, dapat malinaw na nasa labas ng linya ang magpapasok nito sa pagpasa niya sa kakampi. Kapag naitawid na ng point guard ang bola sa gitnang guhit, bawal nang bumalik sa kabila ang apak niya o talbog ng bola (back court violation). Sa free throw, pwede lamang umapak ang mga manlalaro sa shaded lane kapag tumama na sa ring ang bola o kung naibuslo ito. Kung tumira ang manlalaro nang nakaapak sa three-point line, dalawang puntos lamang iyon kung naibuslo. Kung umapak ka sa sideline o endline habang hawak ang bola, mapupunta sa kalaban ang bola. Dahil dito, ang daming mga pagkakataong talagang hinahabol ng manlalaro ang bola bago ito lumabas sa guhit kahit pa mapatilapon siya sa mga kameraman o sa mga manonood.
Iba naman sa balibol. Sa isang banda, minamatyag at ginagalang din naman talaga sa balibol ang mga nasabing guhit. Sa service, dapat nasa labas ng endline ang gagawa nito. May linya sa gitna ng sahig na naghahati sa anim na manlalaro: tatlo sa harap at tatlo sa likod. Pwede lang gumawa ng spike ang nasa likod nang hindi lumalagpas sa linya. At siyempre dahil ang obhetibo ng balibol ay panatilihin sa ere ang bola, ang guhit din ang magdidikta kung “in” o “out” ang bola kapag bumagsak ito. Ngunit may malaking kaibahan pa rin sa basketbol. Kung nasa likod ang posisyon ko, maaari rin ako magspike sa kaliwa o kanan sa labas ng hangganan sa tamang distansya sa lambat. Kapag kakampi ko ang huling humawak ng bola, pwede ko ito habulin sa labas na linya at ipasok ulit. Sa balibol, good pa rin ang tirang iyon. Kung galing naman sa kalaban ang bola at palagpas na sa linya pero tinapik ko pa rin ito sa labas ng linya, good pa rin iyon.
Ano
ang nais kong sabihin? Kung gagamitin mo ang basketbol bilang pamantayan sa
balibol, masasabi mong napakaliberal pala ng balibol kasi pwedeng huwag
pansinin ang mga linya tapos sa kabilang panig naman, sasabihin mong
napakaistrikto naman ng basketbol kasi gigil na gigil sa mga linya ang mga
manlalaro. Hindi nararapat ang ganitong mga husga dahil ginagamit mong
pamantayan para sa isang laro ang larong naiiba dito. Sa ating talakayan,
mahalagang maaalala na ang sistema ang nagdidikta ng sarili nitong mga depinsyo
at aksiyoma.
Ganito
rin ang makikita kahit pa pag-usapan natin ang mga mas bagong larong binatay sa
mga lumang laro. Ang bagong laro ay magkakaroon na ng sarili nitong mga
aksiyomang hindi na itinuloy mula sa larong pinanggalingan. Halimbawa, kahit pa
nakabatay ang table tennis sa lawn tennis, ibang iba ang mga larong ito sa
isa’t isa. Sa table tennis dapat patalbugin mo sa mesa mo ang bola kapag
service. Sa lawn tennis, diretso sa
court ng kalaban ang talbog ng bola sa service. Sa table tennis, dapat hintayin
mo tumalbog sa mesa mo ang bola bago ito hampasin. Sa lawn tennis pwede ka
sumugod at hampasin ng raketa ang bola kahit hindi pa ito tumatalbog sa iyong
court. Oo, nagmula nga sa lawn tennis ang table tennis ngunit ibang larong may
sariling mga aksiyoma ang nahuli sa nauna. May sarili na itong patakarang
hiwalay na sa lumang larong pinanggalingan.
At
sa huli, maaari nating makita ang kaibahan ng dalawang tambalang mga tanong.
Ang tambalan ng “meron / totoo ba?” ay naiiba sa tambalang “tama / umuubra ba?”
Manatili
muna tayo sa larong pampalakasan sapagkat nariyan tayo ngayon. Kung sa balibol,
sabihin nating tinanggap ng isang manlalaro ang bato ng service habang nasa
labas na siya ng guhit, sasabihin mong totoong tinanggap niya ang bola at iyon
ang meron ng nangyari. Iba ang tinutukoy mo kung tatanungin mo kung tama bang
iyon ang kanyang ginawa o kung uubra ba ang kilos na iyon para magwagi ang
kinabibilangan niyang koponan.
Ganito
rin ang masasabi tungkol sa matematika. Sa tanong na 1+1=10, sasabihin mong
tama ito o umuubra ito kung angkop na sistema ang gagalawan natin. Pero kung
meron o totoo ito, nasa labas na tayo ng sistema dahil pwede lang ito
pag-usapan sa aplikasyon ng nasabing tambalan sa meron.
Kung
ilang guhit ang mabubuo natin sa loob ng patakaran ng heometriya, kitang-kita
din natin ngayon na ang ganitong usapin ay gumagalaw din lamang sa larangan ng
tama ba at kung umuubra ba. Hindi saklaw ng mga sistemang ito ang tanong na
“totoo / meron ba?” dahil ang usaping totoo at meron na siyang usapin ng
metapisika ay nasa labas ng mga hangganan ng sistema.
Mga
tanong para sa talaarawan:
1. Bakit
mahalagang ipagkaiba ang mga tanong na “tama / umuubra ba?” sa “totoo / meron ba?” sa loob ng
matematika? Anong mga gusot ang pinapasok natin kung napagkakamalan natin at
napagbabaligtad natin sa isa’t isa ang mga tanong na ito? Paano lalong
lumilinaw ang ginagalawan ng purong matemataka? Paano lalong lumilinaw ang
ginagalawan ng mga aplikasyon?
2. Subukang
ipakita kung paanong nililinaw ng kaibahan ng mga tanong na “totoo/meron
ba?” at “tama / umuubra ba?” ang ilang
mga punto ukol sa kaugnayan ng batas sa meron. Pagmuni-munihan ang mga
implikasyon ng pagmumulat sa kaibahan ng dalawang tambalang mga tanong na ito
sa loob ng larangan ng batas; batas bilang sistema at ang kaugnayan nito sa
meron.
3. Ano
ang ibig sabihin ni Padre Ferriols sa linyang ito: “Ang sistemang laman ang
lahat ay sistemang walang laman.” Ipaliwanag ang kanyang kahulugan at
pagmunihan ang mga implikasyon nito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento