Lunes, Abril 13, 2020

Mga anunsyo sa Pasko ng Pagkabuhay


Maligayang Pasko ng Pagkabuhay sa inyong lahat!

Hindi pa tapos ang hamon ng COVID-19 ngunit nawa’y naghatid sa atin ng bagong lakas at inspirasyon ang panahong ito ng kalendaryong Kristiyano.

Sigurado akong nabasa na ninyo ang huling memo ng VPLS tungkol sa pagpapaikli ng kasalukuyang semestre na siya namang matatapos sa 8 Mayo. Sa kaso ng ating klase na siyang kinukuha ng mga estudyanteng hindi pa magtatapos ngayong Mayo 2020 (sapagkat kayo’y mga sophomore at junior), otomatik na bibigyan ng markang P ang lahat ng mga estudyanteng nakarehistro sa klaseng ito. Sa nalalabing bahagi ng semestre na saklaw ng ECQ, inaatasan ang mga guro na ituloy ang paghahatid ng mga materyales online upang maipagpatuloy ang online learning.

Siyempre, susundin natin ang direktibang ito ng VPLS.

Paumanhin sa mga nagtatanong. Sinadya kong palipasin ang semana santa at hintayin ang Lunes ng Pasko ng Pagkabuhay bago magpaskil ng bago sa blog na ito. Kung sa bagay, nadeklara naman noon pa bago mangyari ang ECQ na sadyang binbin ang klase sa semana santa. At dahil Lunes na, heto na ang mga anunsyong bunga ng nasabing direktiba.

Patuloy akong maghahatid ng aking mga nota sa “Agham at Meron.” Kung titignan naman ninyo ang ating orihinal na iskedyul, hanggang 5/6 Mayo natin balak talakayin ang yugtong ito. Iiwan ko na sa sarili ninyong pagbabasa ang huling yugto (“Sinauna Bilang Potensyal”).

Ituloy lang ninyo ang pagpadala sa akin ng talaarawan batay sa mga tanong na iniiwan ko sa mga ipapaskil ko sa mga susunod na araw.

Salamat sa mga nagpasa ng mapagmuning papel. Asahan ninyong matanggap ang email ko na naglalaman ng aking mga komento. Bagaman hindi na ito mamarkahan, nawa’y nakita niyo pa rin ang gawaing ito bilang pagkakataong matuto sa panahon ng ECQ. Hindi na ako tatanggap pa ng iba pang mga mapagmuning papel.

Sa mga nais pa kumuha ng mga pagkakataong matuto, may dalawa pang gawain na maari ninyong abangan sa mga susunod na araw. Ang una ay tatawagin nating proyekto at ang huli ay tatawagin nating huling sanaysay. Abangan na lamang sa mga susunod na linggo kung paano isasakatuparan ang mga gawaing ito. Magiging boluntaryo/opsyonal ang lahat ng mga gawaing ito at ayon nga sa direktibang tinukoy sa itaas, hindi ito gagraduhan.

Nawa’y nasa mabuti kayong kalagayan at nagkakaisa tayong sikaping gawin ang kayang gawin upang masulit pa rin ang semestreng ito ayon sa abot ng ating makakaya.

Kung meron pang nangangailangan ng kopya ng ating teksto o kung may iba pang pangangailangan, huwag mag-atubiling magkomento sa ibaba o mag-email sa akin.

Ang inyong lingkod,
PJ Strebel

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento