Martes, Marso 17, 2020

Ph11.04 Pagtatanong

Kapag naghahanap ako, kahit paano, may ideya ako kung ano ang hinahanap ko at kung saan ko ito maaring makita. Kaya nga katwa tayong mga pinoy kapag may naghahanap. Pakinggan ang sumusunod na dialogo:

A Nawawala ang telepono ko.
B Saan mo ba iniwan?

Kung alam ni A kung saan niya iniwan ang telepono niya, hindi na niya ito hahanapin kasi nga hindi naman ito mawawala. Katwa man ito, may sinasabi pa rin tungkol sa paghahanap: alam mo kung ano ang hinahanap mo at may ideya ka kung saan mo kaya ito matatagpuan.

Kaya sa mga naghahanap kay Mr. Right o kay Ms. Right, tanungin muna ninyo kung "meron ba?" Huwag kasi hahanapin ang wala dahil wala namang wala.

Pero bumalik tayo sa pinag-uusapan. Ganito din ang masasabi tungkol sa mga tanong. Kaya nga ang mga salitang Inggles na quest (paghahanap) at question (pagtatanong) ay hango sa parehong salitang ugat na Latin. Hindi kasi tayo naghahanap mula sa kawalang alam. Hindi puro at absoluto ang ating kamangmangan. Nagtatanong nga ako kasi hindi ko alam, pero meron pa rin akong nalalaman.

Wika ni Padre Ferriols: "Kapag meron kang tanong, meron kang alam, at meron kang ewan, at alam mong ewan mo."

Isa-isahin natin:

1. meron kang alam
2. meron kang ewan
3. alam mong ewan mo

ang 2 at 3 ay malinaw na sa atin. Hindi ka magtatanong kung alam mo na ang sagot sa tanong mo (mga baliw lang na guro ang gumagawa niyan kaya huwag niyo kaming gayahin, ha.). Iyan ang ibig sabihin ng 2. yung 3 naman, siguradong alam mo na hindi mo alam ang hindi mo alam. Ang 3 ang dahilan kung bakit posible kang magtanong. Kung hindi ko alam na hindi ko alam, hindi ako magtatanong. Kaya nga hindi marunong magtanong ang taong akala niya alam na niya ang lahat. Kapag nagtanong kasi tayo, para na rin nating sinasabi. "Inaamin kong tanga ako kasi hindi ko alam, pero maaari bang magtanong?"

Ang 1 ang hindi natin napapansin. Sa totoo lang, nagtatanong tayo dahil meron na tayong alam. Hindi tayo nagtatanong mula sa absolutong kamangmangan.

Kunwari magtatanong ako kung anong oras aalis ang isang bus, alam ko na may oras, alam ko na merong bus na may iskedyul ng pag-alis, may eksaktong oras ng pag-alis ang bus, alam ng taong tinatanong ko ang sagot sa tanong ko, nagtitiwala akong hindi ako lolokohin ng kausap ko, atbp. Ang dami ko palang alam!

Sa huli, magugulat ako kung ang isagot sa akin ng kausap ko: "Wala pong oras," o "Anong bus?" o "Sino nagsabi sa iyong may aalis? Lockdown na nga eh!" Oo nga naman, pati ang tanong ay may konteksto din pala. Pero siguro nakuha na ninyo ang sinasabi ko.

Dahil nagtatanong ako, lumilinaw sa akin na kaya kong alamin ang meron ngunit hindi ito lubos. Ang tanong ay nagmumula sa pagkakakagat ko sa meron na naghahangad ng mas matindi pang pagkagat sa meron. Ang hinihiling sa akin ay magtanong ng mga matitinong tanong, ng mga tunay na tanong upang lalong lumalim ang pag-uunawa ko sa meron.

Mga Tanong para sa pagmumuni at pagpapalalim:
1. Paanong napalilitaw ng pagmumuning ito na hindi pala simple ang katanungang: "Meron bang Diyos?"
2. Paanong nagiging huwaran ng pagtalima sa meron ang ugaling mapagkumbaba na galing sa pag-uunawa ko na kailangan ng mapagkumbabang diwa upang makapagtanong ng mga tunay na tanong?
3. Bakit kaya, napakahalaga ng tanong sa tao kung kaya't hindi siya maaaring mabuhay nang hindi nagtatanong? Ano ang sinasabi nito tungkol sa meron? Ano ang sinasabi nito tungkol sa kaugnayan ng tao sa meron?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento