“Kaya
ba?”
Dalawa
lang naman ang pwedeng isagot dito: oo o hindi. O sige, pwede rin isagot ang ewan
kung talagang hindi alam. Ngunit kung tututukan ang sagot na oo, may tatlong
anyo ito:
“Kayang-kaya!”
(May kasiguraduhang talagang kaya nga ang gawain)
“Kaya
naman.” (Nagtitiwalang kaya nga ngunit kinikilalang sapat lang ang kakayahan)
“Kakayanin.”
(May duda kung kaya talaga ngunit sisikapin pa ring gawin)
Ang
tipikal na Atenista may sariling sagot: “Try
ko.” Kung sinusubaybayan niyo ang daloy ng klase natin, alam na ninyong mali
ang sagot na ito sa dalawang mahalagang dahilan. Ang unang dahilan ay
napag-usapan na natin sa simula pa lang ng semestre at ang ikalawa ay lilinaw
sa ibaba. Hindi ko na lang sasabihin upang pag-isipan ninyo ng husto. Kung hindi
pa rin kayo naniniwala, tanungin ninyo si Master Yoda.
Pasok
sa usaping ito ang salitang potensyal
na siya namang hinango natin sa wikang Latin. Tumutukoy ang salitang ugat na
ito na pote sa pagka-maari. Kapag
sinabi nating may potensyal, maaari ito mangyari.
Ang
usaping potensyal ay may ibinubukas din sa pag-uunawa natin sa meron. Ang
halatang anyo nito ay ang pag-usbong ng teknolohiya. Maaari bang mag-usap ang
dalawang taong nagkakalayo? Dati nang “oo” ang sagot dito. Noong unang panahon,
mayroong mga liham na isinusulat sa papel at ipinapadala sa pamamagitan ng mga
kartero. Pagkatapos, naimbento ang radyo at ang mga telepono na nagtatawid ng
tinig ng nag-uusap sa malayong distansya sa pagitan nila (Kaya nga telefono tawag dito; tele-malayo fono-tinig.). Tapos naimbento ang telebisyon, kompyuter, internet,
sms, video conferencing, group chat, at marami pang iba.
Marami
sa nakalista sa itaas ang dating wala pa, at ngayon, meron na. Halimbawa, noong
ipinanganak ako, wala pang email.
Hindi pa lumipas ang dalawampung taon, meron
na nito at una akong nakagamit nito noong nasa kolehiyo na ako. Noon wala pa,
ngayon meron na. Kaya’t ang isip maaaring magtanong: ano pa kayang wala pa
ngayon na maaaring maging meron sa hinaharap?
Sinasabi
ni Padre Ferriols na bagaman ngayon lamang ang mga kasalukuyang teknolohiya,
dati nang nasa meron ang mga potensyal nito. Kinailangan lamang ng tao
unti-unting maunawaan kung paano ipag-ugnay-ugnay ang mga materyales sa kanyang
kapaligiran upang hubugin ito sa mga teknolohiyang kilala na natin ngayon.
Kasi, kung wala sa meron ang potensyal, hindi ito kailanman magiging meron.
Noong
nagsimula ang sanlibutan, hydrogen at helium lang ang laman nito. Tapos,
unti-unting nadagdagan ng napakaraming iba pang sangkap. Paano kaya nabuo ang mga
masasalimuot na sangkap tulad ng carbon na kailangan ng anumang nabubuhay at
ang uranium na taglay ang matinding enerhiya. Ang dali sana mag-aral ng kimika
kung hydrogen at helium lang lahat. Ngunit wala tayo dito kung hydrogen at
helium lang lahat. Nasa hydrogen ang potensyal para sa lahat ng materya sa
sanlibutan. O kung gusto niyong maging ispesipiko, nasa Higgs boson ang
potensyal para magkamaterya sa sanlibutan.
Sino
ngayon ang makapagsasabi kung ano ang may potensyal o wala? Wala namang
may-alam sa buong meron kung kaya’t walang taong tunay na makapagsasabi.
Ngunit,
kung gagawin mong personal ang tanong, baka magising ka na ikaw mismo ang
bumabalakid sa potensyal na naroroon.
Halimbawa,
nasabi mo na ba sa sarili mo na: “kailanman, hindi ako matututo lumangoy.” O di
kaya nasabi mong: “ganito na talaga ako, hindi na ako kailanman lalaya sa
bisyong ito.” O isa pa: “Kailanman, hindi naman ako sasagutin ni Procopia,
kahit tumambling-tambling pa ako sa harapan niya.” Ganito ang wika ng taong
bigo at talunan. Nakatalikod sa meron.
May
sagot dito ang makatang Romano na kinaibigan ni Padre Ferriols sa teksto. Ito’y
si Catullus at wika niya:
Hoc facias sive id non pote sive pote.
Kaya
hayan na: lundagin mo na, itambling mo pa. Malay mo, matuto ka lumangoy,
mapuksa mo ang bisyo mo at sagutin ka pa ni Procopia. Panalo ‘di ba?
At
sa huli, masusugpo ba ng sangkatauhan ang salot na COVID-19, bagaman marami na
sa atin ang nasawi? Patuloy tayong umasa sa potensyal.
Mga
katanungan para sa patuloy na pagmumuni at pagpapalalim:
1. Ipaghambing
ang sipi mula kay Catulllus at ang sagot ni Master Yoda sa ating tipikal na
Atenista. Sabi ni Yoda: “Gawin mo o huwag. Walang try. [Do or do not. There is
no try.]”
2. Madalas
sabihin sa mga kwento tungkol sa mga siyentista na natuklasan nila ito o natuklasan nila iyon. Pero hindi nga ba, maraming beses nang nangyari na ang ganitong
mga kwento ay nasa konteksto ng surpresa at aksidente? Hindi kaya mas angkop
sabihing, ipinagkaloob ng meron ito
at ipinagkaloob ng meron iyon.
3. Bakit
mahalaga ang kamulatan ukol sa potensyal kung nais natin maging tapat sa meron?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento