Nakikita
mo ba ang liwanag?
Siyempre.
Kung hindi, eh di dapat ang dilim dilim sana ngayon.
Pero
teka lang. Tama nga namang isipin na nakikita mo ngayon ang mga nakikita mo
dahil nga may liwanag. Pero kung susuriin mo ng husto, ang nakikita mo ay ang
mga bagay-bagay na pumapaligid sa iyo. Pero ang liwanag mismo ay hindi mo
nakikita. Dahil sa liwanag, nakikita natin ang mga ito, ngunit ang liwanag
mismo ay hindi nakikita.
Paano
ang sinag ng liwanag na inaakala nating nakikita natin? Hindi rin ito nakikita.
Kailangan may lumulutang sa hangin na dinadaanan ng sinag upang maliwanagan ang
mga ito para maranasan ang sinag. Halimbawa, ang sinag ng araw ay para bagang
nakikita kung may manipis na ulap na tinatamaan nito. Sa mga entablado ng
pagtatanghal, mas epektibo ang mga ilaw ng produksyon kung may usok na
inilalabas upang “makulayan” ng mga ilaw ang kapaligiran. Kapag gabing matrapik
sa daan, akala mo lamang nakikita mo ang sinag ng mga ilaw ng mga sasakyan. Ang
polusyon sa hangin ang nakikita mo at hindi ang sinag mismo.
Oo
nga ano. Kahit pala kapag tumitig ka sa ilalim ng puting ilaw, ang kristal na
balot ng bumbilya ang nakikita mo at hindi ang liwanag mismo. Pati noong may
bonfire sa Ateneo, ang nakikita mo ay ang apoy at hindi ang liwanag ng apoy.
Pero dahil sa liwanag na nagmumula sa apoy, posible ang pagdiriwang.
Hindi
mo nakikita ang liwanag, bagkus ang nakikita mo ay ang mga naliliwanagan.
Ginagamit ni Padre Ferriols ang puntong ito upang ipakilala sa atin ang
pag-uunawa ni Martin Heidegger sa pag-uulit. Hindi natin nararanasan ang
mismong meron, bagkus ang nararanasan natin ay ang mga nagmemeron. Kung
nararanasan natin ang liwanag sa pamamagitan ng mga naliliwanagan, nararanasan
lamang natin ang mismong meron sa pamamagitan ng mga nagmemeron.
Ituro
mo ang mesa. At sabihin mong meron ang mesa. Tama ka riyan ngunit hindi naman
ang mesa ang meron. Ang dami daming meron pero hindi ang isa sa mga iyan ang
meron.
Magpapasok
ako dito ng talinhaga. Ang relasyon ng meron sa mga nagmemeron ay hawig sa
relasyon ng sayaw sa mananayaw. Nasaan ang sayaw? Hindi mo nakikita o
nararanasan. Kailangang may magsayaw upang magpamalas dito. Ngunit, habang
nanonood ka ng sayaw, ang tuwiran mong nakikita ay ang mananayaw, ang kanyang
mga galaw, atbp. Hindi mo naman talaga nakikita ang sayaw. Ngunit kung hindi
magpapakita ang mananayaw at hindi siya gagalaw, hindi magpapakita ang sayaw.
Ayon
kay Heidegger, nalimutan na ng modernong tao ang meron. Sapagkat Aleman siya, ang
paglimot sa meron ay tinawag niyang Seinsvergessenheit
sa sarili niyang wika.
Kung
gagamitin ang talihaga sa itaas, maaari tayong mahumaling sa mananayaw imbes
nang sa sayaw. Naaalala ba ninyo ang pelikulang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa ni Vim Yapan? Ang pangunahing tauhan
ay nahumaling sa guro niyang mananayaw. Sa huli, naturuan siya ng guro niya na
ang sayaw ang siyang mahalin.
Para
kay Heidegger, ang kilos ng modernong daigdig ay pagkahumaling sa mga
nagmemeron at hindi sa meron. Sa modernong teknolohiya, napipilitan ang
kalikasan sumunod sa galaw at ritmo ng makina imbes na hayaan itong tumubo at
magpakita sa sarili nitong paraan. Ayon sa kanya, hindi na tayo marunong
mabuhay dahil sa pagkalimot na ito sa meron.
Kung
Gentagelsen ang salita sa wika ni
Kierkegaard para sa pag-uulit, ito nama’y Wiederholung
sa wika ni Heidegger. Pasok tayo sandali sa wika ni Heidegger upang
makapagbungang-isip ng husto. Binubuo ang salita ng unlaping wieder- na tumutukoy sa muli. Baka
narinig na ninyo ang pamamamaalam na auf
wiedersehen. Ang tunay na tunog nito ay “hanggang (auf) sa muling (wieder)
pagkikita (sehen). Ang salitang ugat
ay ang pandiwang holen. Hindi ito ang
mga maliit na bolang kristal na pinaglaruan ng mga tatay ninyo noon. Ang holen
ay pagkuha o pagsundo. Halimbawa, kung susunduin ko na ang anak ko, pwede kong
sabihin sa Aleman: Ich hole (susunduin
ko) meinen Sohn (anak ko) von der Schule ab (mula sa paaralan).
Magandang
talinhaga ang pagsundo muli bilang lunas sa paglimot sa meron. Kung pag-uusapan
ang paglimot, pwede mo lang naman malimutan ang mga alam mo na. Hindi mo
maaaring malimutan kung ano ang hindi mo naman kailanman nalaman. Hindi mo
masusundo ang hindi mo kilala o nalalaman. Kung wala akong kakayahan o paraan
upang makilalala ang taong susunduin ko, hindi kami magtatagpo.
Samakatwid,
naninindigan si Heidegger na alam natin ang meron at kaya nating malaman ang
meron. Kung sa bagay, wala sa ating nakakakita ng liwanag ngunit alam natin ang
liwanag at kaya nating malaman ito. Ngunit, naroon sa modernong tao ang
panganib na pahinain niya ang likas na kakakayahan at ugnayan na ito.
Kung
maaari akong magsalita mula sa karanasan, napapansin ko na ang mga estudyante
ko ngayon ay mas hirap makilala ang kanilang mga kaklase kaysa sa mga
estudyante ko noong nakaraang 15 hanggang 20 taon. Ano ang pumasok sa eksena sa
pagitan? Social media. Kung kailan pa nagkaroon ng social media, imbes na
patibayin nito ang ugnayan ng mga magkakaklase, napahihina pa yata nito.
Sigurado akong may mga facebook group kayo ngayon. Pero tunay ba kayong
nagkakakilala dahil dito? Baka naipalit na natin ang mga profile ng mga tao sa
tunay nilang sarili na ating nakikita sa klase.
Karaniwan
na ngayon makakita ng mga pamilyang kumakain sa labas ngunit bawat isa ay tutok
sa sari-sarili nilang mga gadget. Si bunso naglalaro sa tablet. Si ate nasa
tiktok. Si kuya nasa messenger. Si Nanay nasa homescapes. Si tatay nasa
wordscapes. Magkakasama nga sila, pero kanya-kanya. Isa itong karaniwang eksena
na dapat yata nating ikalungkot bilang paglimot sa meron.
Hindi
sinasabi ni Heidegger na itapon natin ang mga gadget natin. Hindi demonyo ang
teknolohiya. Ang tanong lang dito ay kung ang teknolohiya ba ay nagpapalimot sa
atin sa meron o pamamaraan upang masundo muli ito sa pagkalimot. Tulad ni Padre
Ferriols at Tswang Tsu, uuwi din ang hamon ni Heidegger sa paggawa. Ano ang
relasyon natin sa teknolohiya? Binibihag ba tayo nito sa pagkalimot sa meron, o
nalalagay ba natin ito sa tamang lugar upang mabigkas ang meron sa ibayo ng
pagkalimot?
Mga
katanungan sa ibayong pagmumumi:
1. Halatang
ang ugnayan ng tao sa meron ay may artistikong elemento. Ang alagad ng sining
ay angkop na pangalan sa taong artistiko. Kaya nga epektibo ang talinhaga ng
sayaw. Alagad lamang ng sayaw ang manananayaw. Sa kabilang banda, pawang ang
dali mahulog ng agham at teknolohiya sa paglimot sa meron. Maaari bang maging
artistiko rin ang mga teknikal at siyentipikong gawain ng tao?
2. Anu-ano
ang malilikhaing paraan ng paggamit ng teknolohiya upang imbes na magdulot ng
paglimot, magbunga ito ng pagsundo muli at pagbigkas sa meron?
3. Ang
pagkakulong ba sa mga konsepto at sistema ay matatawag ding paglimot sa meron?
Susunod
na paksa: Pagtatanong.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento