Meron ba
akong sarili?
Siyempre
meron, di ba? Ano ba namang klaseng tanong iyan? Ang daming mga pagkakataong
halatang halata naman talagang meron akong sarili. Halimbawa, kung
magdedeposito ako ng tseke sa pangalan ko, magbibigay ako ng ID upang patunayan
na para sa akin ang binabayaran ng tseke. Kung papasok ako ng Rizal Library,
kailangan muli ang aking ID upang malaman ng gwardya kung lehitimo akong
estudyante ng pamantasan.
Pero
maghunus-dili tayo at suriin na baka mamaya mali ang tanong. Iyan ang dati na
nating natutunan sa pilosopiya, di ba?
Meron ka
bang pera? Pautang naman. Meron ka bang bolpen? Pahiram lang sandali.
Meron ka
bang sarili? Hmmmm. . . Kung oo ang sagot mo, alanganin yata tayo dahil hindi
ko pwede utangin o hiramin.
Sa tanong
na meron ka bang ______?, madalas ang pinag-uusapan ay mga ari-arian, mga bagay
na maaaring ituro ng daliri at sabihing: iyan. Hindi yata ganoon ang sarili.
Hindi ito ari-arian ni bagay na maituturo. Kung itinuturo ng daliri ang sarili,
ang tinatamaan ng daliri ay katawan ng tao o litrato niya.
Palalimin
pa natin. Kapag sinabi kong ako si ______, nakatira sa ______,
nagtatrabaho sa ______, atbp, nagbibigay lamang ako ng mga konseptong
kadalasang pumupuno sa mga opisyal na dokumento tulad ng ID, pasaporte o
sertipiko ng kapanganakan. Mga detalye ito ng aking sarili na kinabisado ko na
sa isip ko at agad kong naibibigay kung kinakailangan.
Kaya
nasabi ni Padre Ferriols na ayon sa pilosopo, wala daw siyang sarili. Sa
palagay ko, ang tinutukoy ni Padre dito ay si David Hume. Para kasi kay Hume,
walang iba ang sarili kundi ang mga tinipong mga katangian at karanasan. At
hindi nga ba, ang mga ito ang natitipon din sa mga sertipiko at dokumentong
nabanggit na? Liban sa mga impormasyong ito, na para kay Hume ay mga
impormasyon lamang, walang sarili, ayon sa kanya.
Ngunit sa
pambihirang sinasabi ni Hume, maaari pa rin natin makita ang isang katotohanang
nagkukubli ngunit nagpapakita rin kung kaya lamang natin pansinin. Sipiin natin
sandali ang sinabi ni Hume. Ayon sa kanya:
“Tumingin
akong maingat sa aking mga nararamdaman sa loob ko, masusi akong humanap ng
sarili, at wala akong nakitang sarili.”
Nakakabaliw
ano? Pero may mahalagang sinasabi si Hume. Nagbubukas ito ng pambihirang
pagmumulat.
Hindi nga
ba’t may mga kalakaran sa mga subdibisyon na kailangan mong magbigay ng ID sa
gwardya kung papasok ka bilang bisita? Kapag palabas ka na, baka tanungin ka ng
gwardya para siguraduhin kung naisasauli niya ang angkop na ID, “Kayo po ba si
______?” Baka pwede ka nang sumagot: “Hindi po, wala naman po kasing sarili.
Pero sa akin nga ang ID na iyan.” Pwede kaya iyon?
Uulitin
ko ang sipi at didiinan ko ang ilang mga salitang magbubukas ng landas sa ating
pagsasaliksik:
“Tumingin
akong maingat sa aking mga nararamdaman sa loob ko, masusi akong humanap ng sarili, at wala akong nakitang sarili.”
Sino o
ano ang tinutukoy ng mga salitang diniinan sa itaas? Sino itong ako na
naghahanap sa sarili. Hindi nga ba ang sariling hinahanap ko ay ako ring
naghahanap. Ang naghahanap at hinahanap ay iisa. Kaya pala hindi magkatagpo.
Para kang
nagpadala ng text sa sarili mo:
Text:
“Here na me. Where na you?”
Tugon:
“Here na rin me. Where na nga ba you?”
Talagang
hindi kayo magkikita kasi ikaw rin ikaw.
Sino yung
ako na naghahanap sa sarili? Ako rin iyon. Hindi ko maituro ang sarili sapagkat
ako ang aking sarili. Kapag tinatanong ko kung meron ba akong sarili, pinipilit
kong ituro ang hindi maituturo. Namumulat ako ngayon na nararanasan ko ang
aking meron bilang sarili. Nagpapamalas ang aking pagmemeron bilang ako: ang sarili
ko. Hindi ito konsepto pero tunay na meron. At tuwiran kong nararanasan bilang
meron bago ko pa buuin ang anumang konsepto ng ako. Samakatwid, imbes na
sabihing meron akong sarili, mas
angkop palang sabihing ang meron ko ay
sarili.
Ang meron
ko ay sarili. Kung nasabi na noong unang semestre na hindi konsepto ang meron,
namumulat tayo ngayon na hindi ako ang ID, pasaporte, sertipiko, grado ko. Mga
konsepto lamang ito na tumutukoy sa sariling mas malalim pa. Kaya pala hindi
rin nahuhuli ng mga konsepto ang sarili. Ika nga sa mga unang pahina ng Pambungad sa Metapisika, “ako ay lihim
na kalaliman.”
Dahil nga
hindi konsepto, maaari lamang pag-usapan ang sarili sa pamamagitan ng mga
bungang isip. Nagbigay si Padre Ferriols ng ilang mga halimbawa ng mga bungang
isip na ganito: ang sarili bilang hangin, abot tanaw, sentro.
Mga
tanong para sa ibayong pagmumuni:
1. May nagsasabing
pagdating ng taong 2045, mararating ng mga kompyuter ang tuktok ng bilis nitong
gumanap ng mga kalkulasyon. Dahil dito, maaari nang i-upload sa internet ang
kamalayan ng tao. Kung mamatay ang tao, maaaring mai-download sa isang robot
ang kanyang kamalayan upang patuloy siyang mabuhay. Nasaan na ang sarili sa
ganitong sitwasyon? Ano ang sasabihin ni Hume? Ano ang sasabihin ni P.
Ferriols?
2. Karaniwang ginagamit ng
mga dokumento at sertipiko ang mga konsepto tulad ng pangalan, kasarian, edad,
atbp. Alam natin na maaring dumaan sa legal na proseso upang magpabago ng
pangalan. Malamang malapit na ang panahong pati ang kasarian ay maaari ding
ipabago ayon sa legal na proseso. Ganoon din kaya ang maaaring mangyari sa edad
at iba pang impormasyon sa mga dokumentong ito? Ano ang mga implikasyon ng
usaping ito sa mga isyu ng identidad at kasarinlan?
3. Naririnig ngayon ang
tinatawag na pag-iimbento muli ng sarili (reinventing oneself). Kadalasang
sinasabi ito tungkol sa mga artistang matagal na sa industriya at nagbago ng
kanilang gimik/imahen (branding). Ano kaya ang tunay na kahulugan ng
pag-iimbento muli? Isa rin kaya itong dapat ginagawa ng sinumang tao?
Susunod
na paksa: Ang sarili at katawan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento