Huwebes, Marso 12, 2020

Ph11.04 Pag-uulit ayon sa patakaran ni Kierkegaard

Ano ang katumbas ng pangalang Guillermo sa Inggles?
Ano ang katumbas ng pangalang Juan sa Ruso?
Ano ang katumbas ng pangalang Santiago sa Pranses?

Sa una, iisipin ninyong hindi niyo agad alam ang sagot (malay ko ba!) Pero kapag sumirit kayo, magugulat kayo na ang mga pangalan sa ibang wika ay pamilyar din naman sa inyo. Kaya heto na:

Ang Guillermo sa Inggles ay William. Ang Juan sa Ruso ay Ivan. Ang Santiago naman ay Jacques sa Pranses. Pamilyar naman sa inyo ang lahat ng mga pangalang iyan ngunit hindi agad halata na magkakatumbas pala ang mga ito. Bakit ako nagsisimula tungkol sa mga pangalan? Mahalaga ito para mabuksan ang hindi gaanong halatang punto sa teksto ni Padre Ferriols tungkol sa pag-uulit.

Nagsisimula ang seleksyon sa "Medyo kwento ni Kierkegaard ang susunod." (Heto na naman tayo. Mahalaga pala iyon?!) Ang buong pangalan niya ay Søren Aabye Kierkegaard. Tapos agad mababanggit ang binatang si Seberino. Ano ang kaugnayan? Ang pangalang Danes na Søren, pangalang Filipino na Seberino, pangalang Español na Severino at ang pangalang Latin na Severus ay magkakatumbas!

Totoong mga tao rin sina Regina (Regine Olsen) at Prits (Johan Frederik Schlegel).

Kaya nang isulat ni P. Ferriols ang linyang "medyo kwento ni Kierkegaard," hindi lang niya sinasabi na malapit ito sa isinulat na kwento ni Kierkegaard, pero sinasabi rin niya na malapit ito sa tunay na kwentong buhay ni Kierkegaard mismo.

Sino naman si Konstantin? Siya lamang ang kathang isip sa kwentong ito. Si Constantin Constantius ang tagapagkwento at pangunahing tauhan ng aklat na Kierkegaard na pinamagatang Gentagelsen ("Pag-uulit"). Sapagkat ang akdang ito ni Kierkegaard ay bunga din naman sa sarili niyang pagmumuni-muni sa mga pangyayari ng kanyang buhay, malayang pinaghalo ni P. Ferriols ang mga elemento ng aklat ni Kierkegaard at ang tunay na buhay. Tapos ginawa pa ni P. Ferriols na gawin silang mga Pinoy (Si Berong at si Hinay)
.
Ano ba ang pag-uulit? Magsimula tayo kay Konstantin.

Ayon kay Konstantin, imposible ang pag-uulit. Paano niya narating ang paninindigang ito. Noon kasi, dumalaw siya sa Lungsod ng Berlin. Ikinatuwa niya ang mga Operahaus, teatro, restawran, liwasan. Umuwi siya ng København nang may masasarap na alaala ng Berlin. Paglipas ng panahon nagnais siya ng pag-uulit. Bumalik siya sa Berlin. Dinanas niya ang parehong Operahaus, teatro, restawran, liwasan ngunit nabigo siya. Umuwi siya ng København nang yamot at inis, sawa at umay ang kinalabasan.

Parang ganito. Mahilig ka ba sa twister fries? Ano mangyayari kung ito lang kakainin mo araw-araw?
Masaya ba kayo na walang pasok? Ano mangyayari kung palagi na lang ganito (Huwag na lang kayo sumagot at baka ako ang mabigo.)?

Paano nangyari ang pag-uulit sa binatang si Berong?
Minahal niya si Hinay nang tunay ("Ikaw ang buong nilalaman ng buhay ko.") ngunit nangamba siya na baka sirain niya ang buhay ni Hinay kapag nagkatuluyan sila (Bakit kanyo? Sa buong populasyon kasi ng mga pilosopo, si Kierkegaard ang may pinakamalalim na mga hanash. Sa malalim niyang pagsisid sa sarili, nakumbinsi siyang hindi siya karapatdapat kay Regine Olsen.). Kaya hiniwalayan niya si Hinay at tinalikuran ang kanilang mga planong magpakasal.
Sa kanyang pag-iisa, natuklasan niyang may nasira siyang mahalaga. At hindi na siya maaaring manatiling siya. Lalo niyang nasira ang sarili niyang giba.
Kaya't nagnais siyang magbalik-loob at balikan muli si Hinay.
Ngunit magpapakasal na pala kay Prits si Hinay. Ginalang ni Berong ang pasya ni Hinay at hindi na siya naghabol pa. Nanatiling binata si Kierkegaard hanggang kamatayan.

Para bang naririnig na ninyo sa parteng ito ang kantang Kung 'Di Rin Lang Ikaw ng December Avenue? Kahit pala ang pilosopo may hugot rin. Oo naman, lalo na si Kierkegaard.

Natatanong niyo ba: Bakit hindi niya ipinaglaban? Kung kanya naman si Hinay, bakit hindi niya inangkin ang kanya? Kung si Hinay ang buong nilalaman ng kanyang buhay, paano na kung wala na siya? Masasagot ng tunay na diwa ng pag-uulit ang mga tanong na ito.

Sa isang banda, pareho namang bigo sina Konstantin at Berong. Pero ano ang naroon sa kay Berong na wala kay Konstantin? Si Konstantin kasi, aliw pangkatawan lamang ang hinanap niya. Wala naman siyang naging kaibigan man lamang sa Berlin. Ang pag-uulit na hinanap ni Berong ay malalim na pagbuo ng sarili sa pakikipag-ugnayan sa kapwa. Sino ba si Hinay para sa kanya? Kung sino siya ay hindi maaaring maihiwalay sa kung sino si Hinay. Kaya nga ipinasok ni P. Ferriols ang buong usapin ng tadhana. Hindi tadhana bilang swerte/malas o itinalaga, bagkus tadhana bilang kahulugan ng buhay at pagiging talaga. Ikaw nakaranas ka na ba ng ganoong pag-uulit? Naghahangad ka rin ba ng ganoong pag-uulit?

Mga tanong sa pagpapalalim:
1. Ano ang ibinubukas ng kwento ni Kierkegaard tungkol sa ating kaugnayan sa meron? Paano nagaganap ang pag-uulit sa ganitong larangan?
2. Ano ang kinalaman ng meron sa pakikipagkapwa-tao? Palagi bang may panlipunang konteksto ba ang ating pagbigkas sa meron?
3. Ano kinalaman ng paghahanap ng sarili sa pag-uulit? Paano ka natulungan ni Kierkegaard magising at mamulat dito para sa iyong sarili?

Susunod na paksa: Ang pag-uulit ayon sa patakaran ni Heidegger.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento