Hindi ba't kapag nakarinig ka ng katok sa pinto, umaasa kang may taong kumakatok?
Hindi ba't kapag may kumalabog sa gabi, umaasa kang munting daga lamang iyon at huwag sana multo o magnanakaw?
Hindi ba't kapag may nagbigay sa iyo ng liham na sulat-kamay, kaya mong malaman agad kung kanino galing ang liham batay sa estilo ng sulat?
Sa ganitong konteksto nabuo ng metapisika ang usapin ng meron-ito at ganito ang meron.
Maaaring ihanay ang mga halimbawa sa itaas sa ganitong paraan
Sa araw-araw na pagsasalita, pwedeng pareho lamang ang tao sa katok, ang daga sa kalabog, ang nagsulat sa estilo ng sulat. Pwede pa ngang maging simuno ng pangungusap ang katok, kalabog, o estilo. Pero agad nating mapapansin na ang ganito-ang-meron ay nakasalalay sa meron-ito. Kung walang meron-ito, hindi magpapamalas ang ganito-ang-meron. At hindi pwedeng baligtarin ang nasabing relasyon.
Baka makatulong kung suriin natin ang mga salitang ito at ganito.
Kapag sinabi kong ito, ang tinutukoy ko ay ang paksa ng usapan. Ito ang tao, ito ang daga.
Kapag sinabi kong ganito, kadalasang tinutukoy ko ang katangian o kilos ng isang tao, hayop, o bagay (mga ito): Ganito ang tao: kumakatok, nagsusulat. Ganito ang daga: kumakalabog sa gabi.
Ang maaari lamang talagang magmeron ay ang mga meron-ito. Ang mga ganito-ang-meron ay mga katangian o kilos lamang ng mga meron-ito. Ang katok, kalabog, o estilo ng sulat ay hindi naman nagmemeron.
Samakatwid, masasabi nating nararanasan natin ang mga meron-ito sa pamamagitan ng kanilang paggaganito-ang-meron.
Ang usaping ito ay nakatutulong din upang pagtakahan at unawain ang pagbabago.
Ang puno ay isang meron-ito. Kapag pinutol ko ang puno at ginamit ko ang kahoy nito upang bumuo ng mesa, sumira ako ng isang meron-ito at lumikha ako ng bagong meron-ito. Hindi naman kasi puno ang mesa. Iba nang meron-ito ang mesa sa dating punong pinangggalingan ng materyales nito.
Ako bilang meron-ito ay napakaraming ginanap na paggaganito-ang-meron sa pagdaan ng maghapong ito. Kaninang umaga, tulog pa ako. Ngayon, narito ako nagmamakinilya sa aking laptop. Mamaya kakain ako ng tanghalian. Ang pagtulog, pagmakinilya, pagkain ay samu't saring paggaganito-ang-meron ng meron-ito na ako. Ang ganito-ang-meron ay mga gawain o kilos na nagbabago bagaman nananatili pa rin ang parehong meron-ito.
Ang mga katangian ko ay mga ganito-ang-meron na nagbabago sa pagdaloy ng panahon. Halimbawa, malinaw ang mga mata ko noong hindi pa ako pumapasok sa eskwela bagaman matagal na akong nagsusuot ng antipara. Ikukwento siguro sa inyo ng mga dati kong estudyante na mahaba palagi ang buhok ko noon. Ngayon, hindi lumilipas ang dalawang buwan bago ako bumalik muli sa barbero. At tulad ng marami, mas maluwag ang mga pantalong suot ko ngayon kumpara sa mga suot ko noon. Ang kalinawan o kalabuan ng mata, ang haba o ikli ng buhok, ang sukat ng balakang ay samu't saring paggaganito-ang-meron ng meron-ito na ako. Ang ganito-ang-meron ay mga katangian na nagbabago bagaman nananatili pa rin ang parehong meron-ito.
Mga tanong sa patuloy na pagtataka at pagpapalalim:
1. Ano ibig sabihin ni Padre Ferriols noong sinulat niya: "Ang meron-ito ay hindi matigas na sentrong hindi nagbabago?"
2. Masasabi bang makaluma na ang ganitong talakayan dahil maaari na itong palitan ng mga siyentipikong konsepto tulad ng mga atomo, DNA, atbp?
3. Mahalaga pa bang pag-usapan ang meron-ito at ganito-ang-meron sa panahon ng cloning at automation? Sa cloning, nawawala ba ang kaibahan ng kopya sa orihinal? Sa automation, tumitindig bang mga meron-ito ang samu't saring AI (artificial intelligence) tulad ni Siri at iba pang matatalinong aplikasyon?
Susunod na paksa: Meron ba akong sarili?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento