Konsepto: isip na may nilalaman at hangganan, mga abstraksyo mula sa meron
Baligtad: nagsisimula tayo palagi sa mga konsepto, ngunit nauuna palagi ang meron.
Ang mahalaga ay titigan ang meron.
Tswang Tsu: ang mga konsepto ay parang pinaglagarian, pinagkataman (konsepto bilang labi ng pagbigkas sa meron): isasantabi, igagatong, itatapon kapag nabigkas na ang meron.
NGUNIT: Hindi naman tayo palaging naiipit lamang sa loob ng mga hangganan ng mga konsepto.
May ibang nangyayari kapag nagtataka ang tao: ibinababad muli ang konsepto sa meron.
DALAWANG EHERSISYO: Ang salita at ang mga kathang isip.
1. ANG SALITA
Isipin mo ang salitang puno bilang konsepto. Mabibigyan mo ng depinisyo: isang nabubuhay na nilalang na nakatanim sa lupa, kadalasang mas mataas pa sa tangkad ng tao. Tapos ang usapan.
NGUNIT, nagtaka ka na ba kahit minsan tungkol sa puno bilang tayutay?
Halimbawa, kung may magsasabi: "ang hindi pagtanggap sa sarili ang puno't dulo ng inggit sa kapwa," hindi na natin pinag-uusapan ang mga nabubuhay na nilalang na nakatanim sa lupa. Ginagamit na natin ang salitang puno lagpas sa mga hangganan ng konsepto. Puno bilang pinagmumulan, pinag-uugatan (isa na namang tayutay!), batayan, atbp.
Bakit kaya pinuno ang tawag natin sa mga pinagkakatiwalaan natin lalo na sa mga panahon ng krisis tulad ng kinalalagyan natin ngayon? Ang pinuno ay parang puno: may sariling tibay, pakinabang, may kalaliman, may malasakit, maaasahan. Ang pinuno ang namumuno at nagpapasimuno. Ang dami pala nating salitang galing sa pagtataka sa sinaunang konsepto ng puno!
2. KATHANG ISIP
Isipin ang Toy Story bilang sistema ng mga konsepto. Ang sistema dito ay ang daigdig ng tauhang si Andy kung saan tampok ang kanyang mga laruang may sariling malay na siyang nagpapamalas kung walang taong nagmamasid. Bawat laruan ay isang konseptong may nilalalaman at hangganan. Tapos ang usapan.
NGUNIT, bakit tayo naaantig at tinatamaan ng kwento? Ito'y dahil sa ibayong pagtataka, nakikita natin na hindi talaga tungkol sa mga laruan ang Toy Story, bagkus ito'y tungkol sa mga tao. Ang silbi ng mga laruan na siyang sentro o tema ng mga kwento ay nagiging simbulismo sa silbi ng tao na siya namang meron.
Ano ngayon ang itatawag natin sa mga konseptong lumagpas sa mga nilalaman at hangganan at nagbunga ng ibayong pagtataka? Ano itatawag natin sa mga konseptong ibinabad/inilubog muli sa pinanggalingang pagtataka? Bagay tawagin ang mga ito na bungang isip.
Isang analohiyang maaaring makatulong:
Ang konsepto ay parang bungang hinog sa pilit: pinitas sa puno nang hilaw pa upang maibiyahe sa malayong palengke. Habang nasa biyahe, binabalot upang mainitan, kinakalburo, para pagdating sa palengke, hinog na at maari nang kainin ng mamimili. Ganyan ang konsepto; inihiwalay na sa meron at nilagda na ang nilalaman at hangganan.
Ang bungang isip naman ay parang bungang hinog sa puno: hinayaang mahinog sa sanga at pinitas sa sandaling pakikinabangan na. Di hamak na matamis at masarap ang hinog sa puno sapagkat patuloy itong tumanggap ng sustansya mula sa puno. Ganyan ang bungang isip: patuloy na nakaugnay sa meron, ibinabalik sa meron kung kaya't nagdudulot ng sariwang pagbigkas sa meron.
Mga katanungan sa inyong patuloy na pagbabasa:
1. Paano naliliwanagan at nahahanginan ng bungang isip ang meron?
2. Paano nagbubukas ang bungang isip sa usapin ng pagmamalay, kawalang-malay at nibel?
Susunod na paksa: Ang Pag-uulit ayon sa patakaran ni Kierkegaard.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento