Huwebes, Marso 22, 2018

Repetitio: Utilitaryanismo ni Mill

Mula sa balangkas ni Brie Medriano.

I. May ilang aspeto ng pilosopiya ni Bentham ang binago at binigyang kalinawan ni Mill. 
a. Ayon kay Mill, hindi lamang bilang kundi pati uri at kalidad ay maaring maging pamantayan
para sukatin ang kaluguran.
b. Ang pagtingin sa kaluguran bilang makababoy ay naka-ugat sa pag-ugnay dito bilang
pangkatawan lamang. Sa katunayan, may mga kaluguran na angkop sa tao lamang. 

Halimbawa rito ang mga karapatang tao (karapatang makapag-aral, karapatang magkaroon ng
desenteng buhay). Masasabi na ang edukasyon ay kalugod-lugod rin sapagkat natutupad nito
ang mas mataas na kaluguran ng tao. Isa itong pagkakataon ng taong makilala ang halaga ng
sining na siyang sinasabi na para sa lahat at hindi lamang sa mga naka-aangat sa buhay.

Itinuturing ang pinakamaligayang tao bilang taong nakakikilala sa sining. Ngunit sa
kabalintunaan, ang tunay na alagad ng sining ay siya ring nagdurusa. 

Ang sining ay mahirap itaguyod at sundan sapagkat kinakailangan nito ng disiplina. Dito
makikita na ang makataong uri ng kaluguran ay maselan at hindi laging buo. 
II. “Mas mabuting maging taong hindi kuntento kaysa maging baboy na kuntento. Mas mabuting
maging Sokrates na hindi kuntento kaysa maging hangal na kuntento.”
a. Ipinapahiwatig na ang MAS nakalulugod ang hinahangad at hindi lamang simpleng kaluguran.
Bagaman ang pagsambit na mas mabuting maging si Sokrates ay isang pag-amin na kailaman
ay hindi makukuntento.
b. Ang paghahangad ay nagaganap sa iba’t ibang nibel: (1) personal at (2) panlipunan.

Sa personal na nibel, maaring tignan ang karanasan ng magulang sa pagpapalaki ng anak. Ang
magulang ay may pananugutan na ipakilala ang uri ng kaluguran na dapat matutunan at
malaman ng anak.
-
Ipinapakita na ang pagkilala sa mataas na kaluguran na ayon sa tao ay isa ring pagkilala sa
dangal ng tao.

Sa nibel ng lipunan, makikita rin ang responsibilidad na itaas ang uri ng kaluguran at hindi
simpleng pagbibigay ng kung ano ang gusto ng taong bayan. Bagaman, kung titignan ang
realidad, ang mga programa na siyang naglalayong itaas ang uri ng kaluguran ay hindi talaga
tinatangkilik ng tao.
III. Ang utilitaryanismo ay nakatutok sa resulta ngunit sa totoo lamang ay marami pa ang
kailangang bigyang pansin.
a. Halimbawa, ang “pagkuha” ni Robin Hood ng mga bagay mula sa mayayaman at pamamahagi
ng mga ito sa mga mahihirap. Hindi agad masasabi kung mabuti o masama, tinitignan muna ang
resulta ng aksyon. Kung susundin ang konsepto ng utilitaryanismo, marahil mabilis na masasabi
na ang aksyon ni Robin Hood ay moral. 
b. Kung maganda ang dulot ng aksyon, ang aksyon ay moral at kung masama ang dulot ng
aksyon, ang aksyon ay imoral. Bagaman, hindi talaga ganito ang katotohanan. Tila
kinakailangan ng pagpapalawig sa teorya sapagkat may iba pang mga elemento na dapat tignan
sa paghatol ng resulta.

Una, kinakailangan tanungin kung gaano kalayo sa hinaharap ang itinatagal ng resulta. Dito
pumapasok ang isyu kung long term o short term. Sa Robin Hood, kahit maganda sa malapit na
hinaharap ngunit kung ang patuloy na pagkilos ay magdudulot ng pagkawasak ng kaayusan sa
lipunan, tila ang akto ay nagiging imoral.
-
Dito pumapasok ang paggamit ng mga kasangkapan upang hulaan ang mga posibleng
resulta at nang maplano ang tamang kilos.

Pangalawa, nararapat ding tanungin kung sinu-sino at anu-ano ang kasama sa kunsiderasyon.
Marahil maaring palawigin ang depinisyon upang maisama ang lahat ng nakadrama. 
-
Isa itong pagkilala na palaging may minoridad.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento