Huwebes, Abril 19, 2018

Mga Gabay sa Pagsusulit

Sa mga araw ng pagsusulit, ipapaskil bilang sanggunian ang iskedyul ng pagsusulit sa bulletin board ng Kagawaran ng Pilosopiya sa Dela Costa Hall. May isa sa labas ng bungad ng gusali at isa pa sa dingding sa labas ng kagawaran sa ikalawang palapag.

Magaganap ang pagsusulit sa batong bangkô malapit sa nagsasangang-landas sa harap ng Dela Costa Hall. Kung umulan, lilipat tayo sa gilid ng Dela Costa malapit sa ACELT.

Wala kang kailangang dalhin sa pagsusulit. Ipinagbabawal naman ang mga nota, index card, atbp. Bibigyan ka ng kopya ng mga paksa/tesis habang nagsusulit ka.

Magsisimula ang oras mo sa sandaling bumangon mula sa bangkô ang naunang magsulit sa iyo (HINDI matapos mo maupo; HINDI matapos mo bumunot).  Kung ikaw na ang susunod, maging handang lumapit kaagad sa bangkô.

Maaaring magdala ng orasan. Kung gagamit ka ng timer mula sa telepono o tablet, kailangang mailapag mo ito sa lugar na kita din ng guro kung ano ang ipinapakita nito.
Kung wala kang dalang orasan, maaaring magtanong sa guro sa alinmang sandali sa iyong pagsusulit kung ilang minuto pa ang natitira sa iyo.

Magbabalasa ng isang buong kaha ng baraha at maglalatag sa harap mo ng sampung (10) baraha upang mapagpilian.
Ang numerong mabunot mo ang numero ng tesis na tatalakayin mo.
Kung mabunot mo ang King, Queen, o Jack, ikaw ang pipili ng tesis mo.
Kung mabunot mo ang Joker, ako ang pipili ng tesis mo.

Hindi sapat ang oras para sa iisang tesis ngunit maaari ka pa rin mag-ugnay ng nabunot mo sa ibang mga tesis, basta't nakatuon pa rin ang iyong pagtalakay sa orihinal mong nabunot (Huwag ito gamiting palusot upang maglipat ng atensyon sa ibang tesis.).

Kung magtanong ang guro, ito'y upang linawin ang nasabi mo na o dili kaya'y dalhin ang atensyon mo sa sangkap ng tesis na nalagtawan mo.

Kung minsan, mahirap ang itinatanong ng guro upang masukat kung nararapat ba talagang bigyan ng mataas na marka ang estudyanteng nakasalang.

Manatiling malapit sa pinangyayarihan ng pagsusulit nang 15-20 minuto bago ang oras mo.
Kung may nahuhuli ng dating, ipinakukuha na ng pagsusulit ang susunod sa kanya. Para lang nagpalit ng oras ang nahuli at ang kasunod niya sa pila.

Maaari kayong magpalit ng oras ngunit siguraduhing may malinaw kayong usapan. Hindi na kailangang sabihan ang guro ukol sa pagpapalit niyo bagaman makabubuti kung mag-aabiso kayo.

1 komento: