Huwebes, Hulyo 21, 2011

Panalangin sa Simula ng Klase

Mga katoto sa karunungan:

Napapansin kong ako lang ang nagdarasal sa simula ng klase. Wala bang Katoliko o Kristiyanong kasapi sa klase? Kung tama ang hinala ko, hindi naman siguro. Baka hindi lang pamilyar ang mga estadyante sa pananalangin sa wikang Filipino. Kaya baka sakaling mayroon pang nais matuto kung ano ang tunog ng mga panalangin sa wika natin, at hindi dadaan ang buong semestre at matapos ito nang wala akong kasabay sa pananalangin, mamarapatin kong ilagay dito.

Pero bago ang lahat, linawin lang natin na hindi ko kayo pinipilit magdasal kung ayaw ninyo. Malaya kayong lahat at ginagalang ko iyon. Para ito sa mga may balak namang makisabay sa pananalangin kung alam lang nila kung paano bigkasin ang mga ito sa wikang Filipino. Kaya tayo na:

AMA NAMIN
Ama namin, sumasalangit ka, sambahin ang ngalan mo, mapasaamin ang kaharian mo, sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa langit. Bigyan mo kami ng aming kakanin sa araw-araw, patawarin mo kami sa aming mga sala para nang pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin at huwag mo kaming ipahintulot sa tukso at iadya mo kami sa lahat ng masama, siyanawa.

ABA GINOONG MARIA
Aba ginoong Maria, napupuno ka ng grasya, ang panginoong Diyos ay sumasaiyo, bukod kang pinagpala sa babaeng lahat at pinagpala naman ang iyong anak na si Hesus.
Santa Maria, ina ng Diyos, ipanalangin mo kaming makasalanan ngayon at kung kami'y mamamatay, siyanawa.

LUWALHATI
Luwalhati sa Ama, at sa Anak, at sa Espiritu Santo.
Kapara noong sa una, ngayon, magpakailanman, at magpasawalang-hanggan, siyanawa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento