Miyerkules, Marso 11, 2020

Ph 102/11.04 Mga Gabay sa Pagsulat ng Mapagmuning Papel

Ilan lamang mga gabay upang masimulan na ninyong isulat ang inyong mga papel.

1. Tingnan ang mga detalye sa ating silabus tulad ng mga pamantayan kung paano ito mamarkahan (pahina 3) at ang mga parametro o sukat ng mga nilalaman nito (sa Mga Patakaran ng Klase sa pahina 4).

2. Tandaan na tungkol dapat sa isang tanong o paksa ang papel. Tutukan lamang ang tanong o paksang ito sa inyong pagmumuni.

3. Kung hindi agad malinaw kung ano kaya ang paksa o tanong mo, balikan mo ang karanasan mo ng panonood ng pelikula at suriin kung may partikular bang eksena, simbulismo, tema, tauhan, linya ng dialogo na tumama o umantig sa iyo. Sikaping kilalanin kung bakit nagkaroon ka ng ganitong reaksyon at mula dito, maaari mo nang bigyang anyo ang iyong tanong o paksa.

4. Hindi na kailangang ikwento sa papel ang napagdaanan mo sa numero 3 sa itaas. Dumeretso ko na sa pagdedeklara ng iyong paksa at sa pagmumuni at pagpapalalim dito. Kung tututok ka sa isang eksena, maaaring magsimula ang papel sa isang maikling paglalarawan ng eksenang ito. Matapos nito, diretso na sa pagmumuni.

5. Ang inaasahan sa inyo sa gawaing ito ay ang kakayahang bumuo ng pilosopikong tanong o paksa mula sa panonood ng pelikula at sundin at palalimin ito sa pamamagitan ng pilosopikong pagmumuni.

Mga HINDI dapat gawin sa pagsulat ng papel:

1. HUWAG nang magbigay ng buod/synopsis ng kwento. Hindi kailangang pag-usapan ang buong pelikula. Ipagpalagay na ang iyong mambabasa (ako naman iyon) ay pamilyar na sa pelikula.

2. HUWAG mag-isa-isa ng samu't saring mga nakita ninyong mahalaga sa panonood niyo ng pelikula. Pumili lamang ng isa mula dito at tutukan na iyon sa kabuuan ng papel.

3. HINDI ito paramihan ng mga nakitang kinalaman ng pelikula sa mga nilalaman ng teksto o talakayan natin. HUWAG pilitin ang mga kauganayan at HUWAG mangonsepto lamang. Ang mahalaga ay ang karanasan ng panonood ng pelikula at hindi ang mga konsepto sa klase. Kung may nilalaman ng teksto o talakayin natin na makatutulong sa iyong pagtalakay, gamitin ito. HUWAG lamang pangunahan nito ang inyong pagsusulat.

Maglagay kayo ng komento sa ibaba para sa inyong mga tanong o di kaya'y magpadala sa akin ng email kung mayroon pa kayong ibang nais itanong tungkol dito.

Nawa'y maging mabunga ang inyong pagmumuni at pagsusulat.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento