Mga
katoto:
Ayon
sa ating mga silabus, matapos basahin at talakayin ng Ph11.04 ang “1 Yugto:
Meron” at matapos basahin at talakayin naman ng Ph102 ang “6 Yugto: Analogia,
magkakasabay na ang dalawang kurso sa pagbasa at pagtalakay ng “7 Yugto: Agham
at Meron.” Dito na tayo tutuloy ngayon.
Sa
mga humiling ng pdf na kopya ng ating teksto ngunit hindi pa ito natatanggap, pasensya
na. Mag-email kayo muli at ipadadala ko sa inyo.
Kung
taglay na ninyo ang kopya ninyo ng teksto, magbasa at magmuni-muni na tayo.
Agham
at Meron:
Ang
agham ang isa sa mga pinakamaimpluwensyang larangan ng kasalukuyang daigdig.
Imposibleng maisip ang kalagayan natin nang walang anumang kinalaman sa agham
at sa mga bunga nito: teknolohiya. Malamang dahil sa pamamayani ng agham sa
pagpapatunay at pagpapaliwanag ng maraming mga bagay, nakumbinsi na ang marami
sa atin na naghahatid sa atin ng katotohanan ang agham. At dahil dito,
nagdudulot ito ng hidwaan sa pagitan ng agham at ng iba pang mga larangang
naghahatid ng katotohanan; pangunahin sa mga ito ang relihiyon. May tunay bang
hidwaan sa isa’t isa ang iba’t ibang larangang ito?
Upang
tunay na maharap at masagot ang tanong na ito, malaking tulong kung uunawain
muna natin ang agham. Ano ba talaga ito? Paano ba talaga ang kilos ng larangang
ito? Ano ang kalagayan nito sa harap ng meron?
Ngunit,
napakadambuhalang larangan ang agham kaya’t makatutulong kung magsisimula muna
tayo sa mga pundasyon o ugat nito. Magsimula tayo sa payak bago tayo tumungo sa
masalimuot. Wika nga ni Padre Ferriols: “pati ang eroplano, kailangan muna
gumapang sa lupa para ito ay makalipad.”
Ito
ang dahilan kung bakit nagsisimula ang teksto sa matematika. Tatanungin muna
natin kung ano ang kalagayan ng matematika sa harap ng meron. Upang magawa ito,
tinalakay ni Padre Ferriols ang dalawa sa pinakakilalang sanga ng matematika:
ang aritmetika at ang heometriya.
Pero
bago tayo magpatuloy, manatili muna tayo sa payak na usapan. Kaya mo bang
sabihin ang “matematika?” Bakit ko itinatanong? Ito’y dahil madalas kong marinig
sa bibig ng mga estudyante ang salitang “matika.” Wala pong ganyang salita at
wala ding gawaing “pagmamatika.” Kaya’t bago tayo magsimula, sanayin muna natin
ang ating mga dilang sabihin: “matematika.” Sabihin mo muna ng mabagal
“ma---te---ma---ti---ka.” At hayaang mabagal na gumulong sa dila ang mg pantig
hanggang sa masanay ang dila at tunay mo nang masabi: “matematika,” at magawa
ang “pagmamatematika.”
Handa
na ka? Padayon ra ta.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento