Simula ngayon ay tumatanggap na ako ng mga bluebook na naglalaman lamang ng inyong pangalan. Ang mga bluebook na ito ang inyong gagamitin para sa ating unang pasulat na pagsusulit. Ibigay lamang sa akin sa klase o ilusot sa aking buson sa lalong madaling panahon.
Tuloy pa rin ang pagpasa ng mga talaarawan at mainit kong iminumungkahi na may mapasa kayo kahit isang pahina lang bago mangyari ang unang pagsusulit.
Gaganapin ang pagsusulit mula 07h30 hanggang 10h50 sa:
Lunes 14 Oktubre sa SOM111
Martes 15 Oktubre sa Escaler Hall
Malaya kayong pumili kung alin sa dalawang araw ninyo kukunin ang pagsusulit depende sa libre ninyong oras. Maaaring dumating at magsimula magsulit sa alinmang oras sa loob ng nakalaang panahon.
Mga panuto sa mismong pagsusulit.
1. Pumunta muna sa palikuran bago pumunta sa pagsusulit.
2. Pagdating sa kwarto, ilagak sa harapan ang lahat ng dala mong gamit kasama na ang iyong laptop/gadget/telepono, atbp. Bawal ang mga kwaderno, aklat, listahan, kodigo, atbp. Panulat lamang ang kailangan mo para sa pagsusulit.
3. Kunin sa guro ang iyong bluebook. Kapag tinanggap mo na ang iyong bluebook, hindi ka na maaaring lumabas ng kwarto ng hindi ito ipinapasa sa guro. Kapag naipasa mo na ang bluebook mo, hindi mo na maaaring makuha ito ulit.
4. Kumuha ng upuan kung saan wala kang makakatabi.
5. Kunin ang pirasong papel na nakalakip sa loob ng iyong bluebook. Basahin ang tanong at magsulat ng sanaysay bilang tugon dito.
6. Maaari kang magsulat ng balangkas, listahan ng mga kaisipan, mapa ng mga konsepto, at iba pang kailangan mo sa iyong sanaysay. Gawin ito sa likod ng bluebook.
7. Magsulat ng laktaw-laktaw o doble layo ng mga linya sa iyong bluebook upang mas malinaw itong mabasa ng guro. Depende sa haba ng iyong isusulat, maaaring sulatan ang harapan lamang na mga pahina o ang harap at likuran ng bawat pahina. Ang mahalaga ay magkasya ang buong sanaysay sa isang bluebook. Hindi ka maaaring humingi ng isa pang bluebook bilang pamalit o pandagdag.
8. Maglalagay ang guro ng tablet sa harap ng kwarto. Ipapakita ng tablet na ito ang natitirang oras.
9. Kapag tapos ka na, ipasa sa guro ang iyong bluebook, kunin ang iyong mga gamit mula sa harapan at tahimik na lumabas.
10. Para sa Lunes, maaari nang magpasa ng bluebook simula 08h50. Para sa Martes, maaari nang magpasa ng bluebook simula 09h20. Tatanggap lamang ng mga pinasang bluebook ang guro hanggang 10h50.
Sabihin ninyo sa susunod nating mga klase kung may mga katanungan kayo tungkol sa mga ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento