Paghahanda para sa Pagsusulit:
1. Bumuo ng isang tanong o paksa batay sa mga napagtakahan mo sa iyong talaarawan, o sa mga pakikitagpo mo sa mga tekstong binasa natin o sa pakikibahagi mo sa mga talakayan sa klase. Maaaring isang tanong ito ukol sa pagpapakatao, sa pagkilala sa sarili, sa daigdig, o sa kapwa na nabuksan sa nagdaang mga buwan.
2. Bumuo ng mapa ng kaisipang naglalatag ng iyong pakikipagbuno sa nasabing tanong gamit ang mahahalagang mga punto, paksa, konsepto, o anumang nadaanan sa kursong ito na may kinalaman sa iyong paksa at may tulong na hatid sa pag-uunawa sa iyong paksa.
3. Maaaring gawang-kamay ang aktwal na poster na mabubuong sinlapad at laki ng tabing ng projektor gamit ang kartolina, manila paper, illustration board atbp. Dalhin ang nabuong mapa sa iyong pagsusulit. Maaaring gawang-kompyuter ang poster at buuin sa anyo (format) ng *.jpg. *.jpeg, o *.png. HUWAG GAGAMITIN ANG ANYONG *.PDF. Siguraduhing mababasa at makikita ang lahat ng laman ng iyong poster habang ito ay ipinapakita ng buo sa tabing (full screen mode). Ipadala sa aking email (tingnan ang unang pahina ng silabus) ang nabuong file bago mag-07h00 sa araw ng iyong pagsusulit.
Mga gawain sa araw ng pagsusulit:
1. Ang iskedyul ng mga pagsusulit ay ipapaskil sa labas ng Faura AVR (SECA210 sa Miyerkules). May tablet sa tabi ng guro na maaari ninyong tignan upang malaman ang pagtakbo ng oras ng iyong pagsusulit habang nakasalang ka.
2. Dumating nang mga 15 minuto bago ang oras na tinalaan mo. Maaaring maghintay sa loob ng silid para sa iyong turno.
3. Kung ikaw na ang sususunod at gawang-kamay ang iyong poster, tahimik na ipaskil ito sa pisara sa kaliwa o kanan ng tabing gamit ang tape na nasa harapan. Kung gawang-kompyuter ang iyong poster, isasalang ito sa tabing sa turno mo.
4. Sa iyong turno, magsimula sa pagpasada sa ginawa mong mapa, at ipakita ang pag-uugnay ng mga paksa, o konseptong nakalagay dito tungo sa malinaw na presentasyon ng iyong tanong at ng iyong pakikipagbuno sa pagsisikap unawain ang nasabing tanong. Hindi maaaring gumamit ng mga nota, kwaderno, telepono, index card, at iba pang gabay sa pagtalakay. Gamitin mong gabay ang mismong mapang ginawa mo.
5. Sa dulo ng iyong pagtalakay, maaaring magtanong ang guro ukol sa iyong presentasyon.
6. Bagaman 15 minuto lamang ang iyong pagsusulit, manatili sa loob ng silid sa kabuuang 30 minuto na iyong tinalaan. Ito'y upang matiyak na palaging may dalawang estudyante sa loob ng silid sa anumang sandali.
7. Ang gawang-kamay na poster ay maaari nang tanggalin pagkatapos ng iyong pagsusulit.
Mga paalala:
1. Maaaring sumaksi ang sinumang may nais sa mga magaganap na pagsusulit. Hinihiling lamang na manatiling tahimik ang mga tao upang hindi maistorbo ang daloy ng mga pagsusulit. Maaaring palabasin ng guro ang sinumang makaiistorbo sa daloy ng mga pagsusulit. Kung sakaling nanaisin ng nagsusulit na walang manood sa kanyang presentasyon, maaari niyang ihiling sa mga tao na sila'y lumabas muna ng silid.
2. Kung sakaling kailangan mong makipagpalit ng oras o araw sa ibang estudyante, maaari mo itong gawin basta't tiyakin na may malinaw kayong usapan. Hindi kailangang abisuhan ang guro tungkol sa ginawang pagpapalit basta't may estudyanteng magpapakita at sasalang sa oras na nakatala.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento