Para gumabay sa lahat ng magpapasa ng balangkas bilang repetitio:
1. Maghanda ng balangkas ng mga paksang napag-usapan sa nakaraang klase. Huwag magsulat ng sanaysay na buod ng talakayan. Balangkas ang dapat ihanda.
2. Kinakailangang magkasya ang balangkas sa isang pahinang A4. Dahil isang pahina lamang ito, hindi dapat umabot sa likod ng papel ang balangkas.
3. Ipadala sa guro ang balangkas sa pamamagitan ng email. Maaring doc o pdf ang uri ng file. Kinakailangang maipadala ito bago mag-05h00* sa araw ng klaseng susunod.
4. Ipasa sa guro ang papel bago magsimula ang klaseng susunod.
Ilang paglilinaw:
1. Kinakailangang matanggap ng guro ang balangkas bago magsimula ang klase upang masuri niya ito habang may nag-uulat sa harapan. Ang papel na ipinasa ang mismong mamarkahan ng guro kung kaya't mas mahalaga ito kaysa sa bersyong ipinadala sa email.
2. Ang pangunahing silbi ng repetitio ay para sa pagbabalik-aral kung kaya't ibinabahagi ito sa buong klase. Samakatwid, kailangang ipadala sa email ang balangkas upang maibahagi ito ng guro sa klase sa pamamagitan ng sumusunod na mga paraan:
a) Kung walang inihandang presentasyong ipapakita ng nag-uulat sa tabing, ang balangkas ang siyang ipapakita sa tabing habang nagaganap ang ulat.
b) Ipapaskil ng guro ang ilang mga balangkas sa kanyang blog.
3. Kapalit ng pagpapadala sa email, maaari rin magbigay ng pisikal na kopya (hard copy) ng balangkas ang may-akda para sa lahat ng kaklase niya upang makita ng lahat ang balangkas sa simula ng klase. Maaaring gawin ito kung handa namang maglaan ng panahon at pondo ang may-akda para dito.
4. Mas nararapat na hiwalay maghanda at huwag kumunsulta sa isa't isa ang gagawa ng balangkas at ang mag-uulat sa klase upang mapunan ng isa ang pagkukulang ng isa at hindi lang maging sanggunian ng ulat ang balangkas.
*Tandaan na itinuring ko nang maxim ang paggamit ng patakarang 24 oras sa pagpahayag ng oras upang hindi na kailanganin ang mga kategoryang AM o PM. Ganito ang anyo sa silabus pati sa lahat ng mga usapin ukol sa iskedyul.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento