PARA SA LAHAT:
Sa mga araw ng pagsusulit, ipapaskil bilang sanggunian ang iskedyul ng pagsusulit sa bulletin board ng Kagawaran ng Pilosopiya sa Dela Costa Hall. May isa sa labas ng bungad ng gusali at isa pa sa dingding sa labas ng kagawaran sa ikalawang palapag.
Magaganap ang pagsusulit sa batong bangko malapit sa nagsasangang-landas sa harap ng Dela Costa Hall. Kung umulan, lilipat tayo sa Leong Hall o sa New Rizal Library.
Wala kang kailangang dalhin sa pagsusulit. Ipinagbabawal naman ang mga nota, index card, atbp. Bibigyan ka ng kopya ng mga paksa/tesis habang nagsusulit ka.
Magsisimula ang oras mo sa sandaling bumangon mula sa bangko ang naunang magsulit sa iyo (HINDI matapos mo maupo; HINDI matapos mo bumunot). Kung ikaw na ang susunod, maging handang lumapit kaagad sa bangko.
Maaaring magdala ng orasan. Kung gagamit ka ng timer mula sa telepono o ipad, kailangang mailapag mo ito sa lugar na kita din ng guro kung ano ang ipinapakita nito.
Kung wala kang dalang orasan, maaaring magtanong sa guro sa alinmang sandali sa iyong pagsusulit kung ilang minuto pa ang natitira sa iyo.
Magbabalasa ng isang buong kaha ng bara at maglalatag sa harap mo ng mga baraha upang mapagpilian.
Ang numerong mabunot mo ang numero ng tesis na tatalakayin mo.
Kung mabunot mo ang King, Queen, o Jack, ikaw ang pipili ng tesis mo.
Kung mabunot mo ang Joker, ako ang pipili ng tesis mo.
Hindi sapat ang oras para sa iisang tesis ngunit maaari ka pa rin mag-ugnay ng nabunot mo sa ibang mga tesis, basta't nakatuon pa rin ang iyong pagtalakay sa orihinal mong nabunot (Huwag ito gamiting palusot upang maglipat ng atensyon sa ibang tesis.).
Kung magtanong ang guro, ito'y upang linawin ang nasabi mo na o dili kaya'y dalhin ang atensyon mo sa sangkap ng tesis na nalagtawan mo.
Kung minsan, mahirap ang itinatanong ng guro upang masukat kung nararapat ba talagang bigyan ng mataas na marka ang estudyanteng nakasalang.
Manatiling malapit sa pinangyayarihan ng pagsusulit nang 10-15 minuto bago ang oras mo.
Kung may nahuhuli ng dating, ipinakukuha na ng pagsusulit ang susunod sa kanya. Para lang nagpalit ng oras ang nahuli at ang kasunod niya sa pila.
Maaari kayong magpalit ng oras ngunit siguraduhing may malinaw kayong usapan. Kung 15 minuto ang pagsusulit mo, kailangang 15 minuto din ang oras ng kapalit mo. Hindi na kailangang sabihan ang guro ukol sa pagpapalit niyo bagaman ikatutuwa kung mag-aaibiso kayo.
PARA SA MGA MAY KARAGDAGANG BABASAHIN (20 minutong pagsusulit):
Magdala ng iyong kopya ng teksto. Maaari itong tingnan sa huling bahagi ng pagsusulit. Walang kaso kahit may mga marka at mga nota sa palugit ang iyong kopya. Ipinagbabawal lamang ang mga balangkas at notang nakalagay sa likod ng kopya o sa hiwalay na papel.
Habang nagtatalakay sa nabunot mong tesis, maaaring banggitin kung may kaugnayan ito sa iyong teksto ngunit ibalik mo agad ang tuon sa tesis. Maaaring talakayin ang kaugnayang nakita mo sa huling bahagi ng pagsusulit.
Kung hindi tuwirang nakaugnay sa nabunot mong tesis ang iyong teksto, huwag ito pipilitin. Malamang ipababasa sa iyo ng guro ang isang talata o pangungusap ng teksto upang ipaliwanag ito. Hindi aasahang maiugnay mo ito sa nabunot mong tesis.
Kailangan mo munang daanan ang tesis bago tumalakay sa teksto. Kung hindi sasapat sa inaasahan ang pagtalakay mo sa tesis, hindi ka na bibigyan ng pagkakataong magtalakay sa teksto at wawakasin na ng guro ang iyong pagsusulit matapos ang 15 minuto.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento