Miyerkules, Setyembre 28, 2011

Iskedyul ng inyong mga pagsusulit


Paalala lamang sa lahat na kailangan na ninyong alamin ang inyong mga pagsusulit sa iba ninyong mga asignatura upang maplano na natin ang iskedyul ng inyong pabigkas na pagsusulit sa kursong ito. Punuan na ang huling pahina ng inyong silabus at ihulog ang pirasong papel na ito sa aking buson.

Kung sakaling wala ka nang kopya ng silabus (Ayoko nang malaman kung bakit.), maaari niyong gamitin ang imaheng ito. Kailangan niyo ito iprenta tapos sulatan ng angkop na impormasyon at ihulog sa aking buson. Huwag niyo ipadala sa aking email.

Tandaan lamang na bawat kahon ay katapat ng 30 minuto. Kaya halimbawa, kung ang pagsusulit mo sa klase mo sa Hi 165 ay mula alas diyes y medya hanggang alas dose y medya (dalawang oras ang haba), isusulat mo ang Hi 165 sa mga kahon para sa 10h30, 11h00, 11h30, at 12h00 (4 na kahon = 2 oras).

Mas mahalaga sa aking malaman kung gaano katagal ang pagsusulit. Halimbawa, kung sabihin sa inyong magaganap ang pagtatanggol (defense) nang maghapon ng Miyerkules, 12 Oktubre, at hindi pa ninyo alam kung anong oras kayo sasalang ngunit alam ninyong 15 minuto lamang tatakbo ang pagtatanggol, huwag niyo isara ang buong araw na iyon. Ilagay lang sa hanay ng Miyerkules na may pagtatanggol sa araw na iyon na 15 minuto ang takbo.

Kailangan ninyong ipasa ito sa Biyernes kahit hindi kumpleto. Matuto kay Sokrates: alamin ang kayang malaman at bitawan ang hindi pa kayang malaman. Kung sa bagay, batayan lang naman ito kung sinu-sino ang mauuna magpalista. Sa huli, kayo pa rin ang pipili ng oras ninyo mula sa mga bukas na pwesto.

Kaya't kulitin na ninyo ang mga guro ninyong hindi pa nakapagpapasya kung kailan ang inyong pagsusulit. Sabihin niyo sa kanilang mahalagang malaman sa lalong madaling panahon upang maiwasan ang mga problema sa linggo ng huling pagsusulit.

Maraming salamat sa inyong atensyon.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento